Bishop’s Homily – 7th Sunday of Easter 2020

BishopRobbie_7thSundayEaster2020
Screengrab from FB Live May 24, 2020

Transcript of the Homily of the Most Rev. Roberto Gaa, D.D.
Ascension Sunday
Tahanang Pari Priests’ Lounge
May 24, 2020 | 7AM

Magandang umaga po sa inyong lahat!

Kung titignan natin ito yung Ebanghelyo–ang Ebanghelyo ayun kay San Mateo–ito’y Ebanghelo na walang salaysay ng pagakyat ni Hesus sa langit. Hanggang dun lang sila sa paghahabilin ni Hesus sa kanila na, ‘Puntahan niyo lahat ng tao sa lahat ng sulok at binyagan niyo sila sa Ngalan ng Ama, ng Anak, at ng Espiritu Santo.’

Kay Marcus, kay Lucas, kay Juan, lahat yun meron! Meron siyang pagakyat sa langit. Pero itong kay San Mateo wala. At tinitignan ko yung ibang komentaryo, sinasabi nila kaya wala yang komentaryo tungkol sa ano kasi hanggang dun sa huli parang may pagaalinlangan sa kanila.

Pero ito’y titignan natin, ito’y sinulat siguro mga 60 years after mangyari ito. So damang-dami nila, damang-dama pa rin nila yung pag-aalinlangan.

Kaya makikita natin, oo nga ano, parang makikita, parang mararamdaman mo iyon dun sa Pagbasa. Kasi kahit doon sa Pagbasa, sa Ebanghelyo, sa dulo, parang minsan lang ulit nagpakita si Hesus pagkatapos nang Siya’y mabuhay muli.

Ito yung pagkatapos pumunta nung dalawa sa libingan at wala silang natagpuan, pabalik na sila sinalubong sila ni Hesus. At binilin nga sa kanila, pumunta kayo sa Galileya at may iuutos ako sa inyo doon. Parang dalawang beses lang. Ito yung naghahabilin Siya at saka yung nagkita sila pagkatapos ng libingan.

Kaya parang makikita natin na parang hindi pa ganun katibay ang kanilang paniniwala, ang kanilang pananalig na si Kristo nga ay nabuhay. Pero maganda nga dito–dito sa Ascension–yung mga ibang mga Ebanghelyo na naisulat ay meron.

Kaya makikita natin, ito’y totoo–yung kanyang pagakyat sa langit. Kasi ito rin yung Unang Pagbasa. Kaya titignan dapat ito parang may complimentarity yung First Reading at saka yung ating Ebanghelyo. Dahil dun sa Unang Pagbasa, malinaw na malinaw, Siya’y umakyat sa langit.

At nung Siya ay umakyat sa langit, hindi lang yung Kanyang Espiritu ang umakyat sa langit, pati yung Kanyang katawan. Yun yung pinaka kakaiba ngayon. Noong umakyat Siya sa langit, kasama ang Kanyang katawan.

Parang hinahalintulad nga ito–siguro nangyari sa amin dati ito–parang may costume. May pinapasuot kaming costume sa ibang seminarista at nagpalabas kami ng skit at susuotin namin yung costume ng seminarista.
Yung costume ng seminarista–dahil pawis-pawis silang ganun–ay talagang nanlilimahid sa baho yung costume! Kaya nung sinuot, “Ang baho! Ang baho!”

Parang gusto kong masuka! Pero dahil yun, sana naman dun–ang maganda doon, sandali lang hindi naman permanente. Pagkatapos na pagkatapos, ay hinubad ko agad yung ano!

Itong kay Kristo, yung Kanyang pagkatao, kung ikukumpara natin yung Kanyang Espiritu at saka yung Katawan, malayo–malayo yung pagdangal dun sa Katawan!

Kasi yung katawan may limitation, malinaw na malinaw ang limitasyon kasi dapat ito’ys nasa isang lugar lang. Pero ang ginawa ni Kristo, hindi Niya hinubad yung Kanyang pagkatao. Dinala Niya iyon sa Langit.

Parang sinasabi niya, “Proud ako dito! Tanda ito ng Aking pagmamahal! Tanda ito ng Aking pagsunod sa Aking Ama!”

Kaya makikita natin, ganun pala ang pagtingin ni Kristo sa Kanyang pagkatao. Ganun din sana sa atin. Parang may paggalang tayo sa sarili nating katawan. May paggalang tayo sa sarili nating pagkatao kasi kahit ang Diyos idinangal ito. Hindi Niya ito iniwan sa lupa.

Tapos ang maganda dun–dugtong pa, dugtong pa, ay nagkaroon Siya ng kakaibang lugar sa langit, lugar na pwedeng tanggapin ang Kanyang Katawan. So sa Ingles, “Heavens adapted the new Jesus.”

Kaya makikita mo, oo nga ano! Parang pinaghahanda na tayo ni Kristo ng lugar ng titirhan. Kasi Siya yung naunang nagbukas sa langit ng may katawan.

Kaya makikita natin na, oo nga ano! Hindi lang ni Kristo ipinagdangal yung ating katawan, yung ating pagkatao, pero yun din yung tanda ng paghahanda Niya para sa atin, yung pagtanggap Niya sa atin.

Kaya sa atin, isang malaking pagdiriwang ito–kadalasan ay parang lumalampas lang ito–pero malaking pagdiriwang ito kasi ito yung tanda na idinadangal ni Kristo ang tao. Ito rin yung tanda na pinaghahanda tayo ng Diyos nang matitirhan sa langit dahil Siya mismo may katawanan na umakyat sa langit.

Huwag sana itong para sa atin ay pinangdidirihan natin yung ating katawan na o hindi natin ginagalang ang ating katawan. Ito sana yung tanda o hamon para sa atin o paanyaya sa atin na igalang natin yung ating katawan. Bigyan natin ito ng halaga at pagpapahalaga tulad ng pagpapahalaga ni Kristo.

At kung magagawa natin iyon, makikita natin na ito rin ay pagdangal sa likha ng Diyos. Tayo’y nilikha ng Diyos. Kaya makikita natin parang dugtong-dugtong na.

Ito’y parang inspirasyon para sa atin pero ito di’y hamon para sa atin kung paano natin tratratuhin ang sarili nating katawan.

Bishop’s Homily – 6th Sunday of Easter 2020

BishopRobbie_6thSundayEaster2020
Screengrab from FB Live

Transcript of Homily of the Most Rev. Roberto Gaa, D.D.
6th Week of Easter
Tahanang Pari
May 17, 2020 | 7AM

Magandang umaga po sa inyong lahat!

Napakaganda ng ating parang paghahanda patungo sa Pentecost na kung saan darating ang Espiritu Santo kasi unti-unti nang pinakikilala sa atin ang Espiritu Santo, unti-unting inilalapit sa atin.

At sinasabi nga Niya na, “Ang Espiritu Santo ay sumasa atin!”

At tayo din kapag sumasaatin ang Espiritu Santo, mas kilala natin si Kristo. At kung kilala natin si Kristo, kilala natin ang Ama.

Kaya makikita natin, oo nga ano, parang–dahil ang ibigsabihin ng Patnubay ay yung makakasama natin sa ating paglalakad. At yan nga yung nangyari sa sinasabi ni Pedro sa ating Ikalawang Pagbasa. Nagpadala Siya ng Kasabay, nagpadala Siya ng makakapiling natin.

Pero, tulad ni Kristo na nagbata ng paghihirap, ganun din yung sa atin. Hindi inaalis ng Diyos yung pagbabata pero sinasabi Niya na patuloy–kung patuloy tayong susunod kay Kristo, kasama ang paghihirap. Pero ang maganda doon ay, totoo naghihirap tayo, pero nagbubunga din yung ating paghihirap.

Kaya nga maganda pagdating sa ating Unang Pagbasa na mula sa Gawa Ng Mga Apostoles. Makikita natin doon na si Felipe, siya ay nasa Samaria. Si Felipe sa kanyang salita, sa kanyang gawa na puspos ng Espiritu Santo ay maraming nagbago. Marami ang sumunod kay Kristo dahil dun.

Meron siyang, merong hindi binasa sa ating Unang Pagbasa–may parteng…Yung sa gitna niyan na sinasabi dun si Simone, si Simone na Magician. Marami ding siyang ginagawang kababalaghan pero hindi siya naniniwala sa Diyos.

Kaya yung kanyang ginagawang kababalagahan ay naiiwan lamang sa kababalaghan. Pero hindi nagdadala sa tao para sa pagbabago. Ang nangyari kay Simone, oo totoo maraming parang sumusunod-sunod din sa kanya.

Pero nangyari, dahil hindi dinadala sa pagbabago, para bagang may kulang. Natutuwa sila, nagagalak sila sa mga kababalaghan pero ganun lang. Ang tunay na sumusunod kay Kristo ay gumagawa din–o nakikinig at gumagawa ng Kanyang sinasabi.

At lalo sa atin! Yung sumusunod kay Kristo, lalo sa panahon ngayon, mahigpit ang kapit sa Kanya sa pamamagitan ng Espiritu Santo. Kaya pagkatapos muli ng hirap, nakakakapit pa rin tayo kay Kristo sa pamamagitan ng Espiritu Santo.

Natatandaan ko po nung maliit ako, may kasamahan po kami sa bahay. Ang nanay ko, yung mommy ko, ang tawag ko sa kanya mommy. Pero ang tawag ko rin dun sa kasamahan namin sa bahay–kasi naging malapit na nga siya sa amin–nanay. So mommy at nanay.

Minsan sinama ako sa tindahan. ‘Di lakad kami ng kaunti, may ilang kanto lang naman ang layo. So tulad ng isang bata na unang beses nakalabas ng bahay, ‘pag tumitingin ka sa palikid, parang natutuwa ka–nabibighani ka sa lahat ng bagay!

At para bang–dati kasi pag ano, kakapit ka sa palda ng ano–ako kumakapit ako sa palda ng nanay, sa nanay ko. Pupunta kami sa tindahan. Tapos yun nga, parang naaliw ka sa dami ng nakikita mo.

‘Di pagpunta sa tindahan–itong tindahan ang dami ding mga kung anu-anong bagay. Mga kalembong–alam niyo ba yung kalembong? Yung kalembong yung tinapay na may kulay pula sa loob. May Kababayan–basta yung iba’t ibang klase na hindi lang Pandesal. Maaliw ka.

Tapos maya-maya, hindi ko alam, sa ibang palda na pala ako nakakapit! Sa ibang palda na pala ako nakakapit! Siguro naaliw ako sa dami ng nakikita, bumitiw ako, tapos pagkapit ko ulit sa iba na!

Siguro ang sinasabi sa akin dito ay madaling malibang, madaling maaliw. At lalo na sa panahon ngayon, madaling bumitiw! Pero lalo’t higit ngayon, ngayong panahon na ito–itong salot na ito–para sa isang banda, madali ding kumapit sa Diyos sa pamamagitan ng Espiritu Santo.

Mapalad tayo ngayon dahil mahigpit ang kapit natin sa Diyos. At ikinatutuwa nga natin itong pagbukas ng Misa ulit para sa lahat kahit sampu-sampu lamang.

Pero dadating ang panahon na tayo ay malilibang, tayo ay maaliw. Para bagang bibitiw-bitiw tayo sa Diyos dahil tayo ay nalilibang at naaaliw. Maya-maya sa iba na tayo nakakapit. Iba na ang kinakapitan natin.

Kaya ngayon, habang tayo ay nakakapit sa Diyos, puno ng pag-asa, puno ng kalinawagan itong hakbang natin, huwag sana tayong bumitiw na sa ating pagkakapit sa Diyos.

Ito sana isa sa mga bagay na huwag nating bibitiwan, huwag nating iiwanan kahit tapos na yung pandemic, kahit tapos na yung salot. Dahil makikita natin ito–ito yung nagdala sa atin ng pagasa sa panahon ng paghihirap! Ito yung nagdala sa atin ng kalinawagan sa ating hakbang sa panahon ng kadiliman!

Huwag sana tayo bumitiw sa Diyos sa panahon ng kasaganahan kung tayo’y nalilibang. Isa sana ito sa ating mga lalo pang pagtibayin habang bumabalik tayo o pumupunta na tayo sa Bagong Normal. At ito sana yung ating pahalagahan sa ating araw araw na buhay Pananampalataya.