Categories
Bishops Homily

Bishop’s Homily – Memorial Of Our Lady Of Fatima 2020

May13Consecration_BishopRobbie
Screen grab from Dio Nova FB Live May 13, 2020

Transcript of the Homily of the Most Rev. Roberto Gaa, D.D.
Memorial of Our Lady of Fatima
Cathedral Shrine and Parish of the Good Shepherd
May 13, 2020 | 830AM

Magandang umaga po sa inyong lahat!

Ako po’y nagpapasalamat sa presensya po ng ina ng Siyudad ng Quezon City at saka yung ama ng Siyudad naman ng Caloocan dahil kayo ay nakiisa sa pagdiriwang ng o pagtatalaga ng ating mga anak–parehong anak niyo po–anak din namin, anak ng Simbahan. Pagtatalaga kay Maria.

At ito’y napakahalaga kasi pwede nating sabihin si Maria ang tunay na ehemplo ng pagsunod kay Kristo. Si Maria ang tunay na ehemplo ng pagiging mabunga. At nais nating lahat maging tulad ni Maria.

At para sa akin, yan nga yung sinasabi ng Ebanghelo, “Kung tayo ay nanatili kay Hesus, mananatili tayong may bunga.”

Pero maganda yung kasunod nun! Dahil si Kristo ang puno, tayo yung mga sanga, at tayo’y mananatiling mabunga kung tayo ay nakakabit sa puno. At maganda yung sinabing susunod na, “Ang Ama ang tagapangalaga ng puno.”

Ang ginagawa ng Ama, pinuputol Niya yung mga sangang hindi na mabunga. Inaalis Niya yung mga sangang hindi na nagbubunga o hindi na nagdudulot ng bunga. At ginagawa pa Niya, pinuputol at nililinis para lalong maging mabunga yung mga nananatiling sanga.

Ang ninanais ng Diyos ay tayo ay maging mabunga. Ninais ng Diyos na tayo ay manatili sa Kanya para tayo ay may buhay lagi.

Kaya nga ba yung tanong ng mga apostoles sa ating Unang Pagbasa mula sa Gawa Ng Mga Apostoles, “Yung pagtutuli ba ay kailangan para sa pagsunod kay Kristo?”

Kasi yung pagtutuli importante sa mga Hudyo. Kaya nga sila ay bumalik sa Herusalem, nagtanong, nagpulong sila. At dun nalaman na para sa mga Hudyo importante iyon pero para sa mga sumusunod kay Kristo hindi siya ganun ka-importante.

Kaya nakikita natin, merong pagtatabas. Kaya pwede nating tanungin siguro sa sarili natin, “Itong nangyayari sa atin ngayon, itong COVID19, may nagaganap na pagtatabas?”

Ano yung mga nawala?

Nawala yung Misa na napakahalaga sa atin, hindi lang para sa mga pari. Kasi kami po, kahit walang pampublikong Misa, kami ay nagmi-Misa privately–kahit walang tao.

Ang nakakalungkot lang po dun, kami nagsasabi, “Sumainyo ang Panginoon!”, kami rin sasagot, “At sumainyo rin!”

Pero tuloy ang Misa! Tuloy ang pagdiriwang ng Misa. So ibigsabihin ba nito, kasama ito o bahagi ito sa pagtatabas ng Diyos?!

Parang ayaw kong isipin na sinasabi ng Diyos, “Bawal na ang pampublikong pagdiriwang ng Misa.”

Pero sa aking palagay meron ding pagtatabas na nangyayari. Kasi ang pagmi-Misa, sa isang banda, ay humantong na lamang sa isang loose, social gathering. Yung pagtitipon lang o parang minsan–parang obligasyon lang, na hindi naman talaga iyon ang nilalayon ng Diyos. Kaya may nangyaring pagtatabas!

At ano ang nangyari dun? Ibinalik ang pagdiriwang ng panalangin, ibinalik ang pagdiriwang ng Misa sa bahay, sa pamilya. Pinatibay, pinatatag ang pagdiriwang ng Misa sa bahay. At napakaimportante sa pamumuno ng mga magulang.

Kasi madalas ang Pananampalataya ay para sa nanay o kay father na lang yan, sila na lang, katekista na lang yan. Hindi! Ang Pananampalataya o ang pagpapalaganap, pagpapalalim ng Pananampalataya ay dapat ginagampanan ng mga magulang. Kaya yun ang nagaganap ngayon: pinatitibay ang pundasyon!

Pwede bang mangyari tayo masanay na lang sa livestreaming na Misa? Kasi nakikita na hangga’t walang vaccine, hindi tayo pwede magsama-sama tulad ng dati.

Pero sabi nga ni Pope Francis, “The yearning should not leave you!”

Nandun lagi yung pagnanais na tayo ay magsasama-sama muli. Nandun yung pagnanais na tayo ay magtitipon-tipon muli. Pinagdiriwang yung pagmamahal ng Diyos sa atin.

Kaya nga ba sa atin, parang, oo totoo yan na yung nagaganap sa atin pero huwag sana tayo masanay sa ganoon. Hinahanap-hanap at inaasam-asam natin na balang araw tayo ay magsisimba at magsasama-sama.

Kaya makikita natin ang nagaganap sa bahay ay isang pagpapalalim ng pagdiriwang ng Misa. Totoo wala yung presensya niyo sa simbahan. Totoo hindi niyo nakikita ang mga dekorasyon dito sa simbahan.

Pero kayo sa inyong mga tahanan ay may mga altar na kung saan ito ay tinayo niyo para hindi mawala ang presensya ninyo sa simbahan at ang simbahan ay hindi mawala sa inyo. Lumalim din ang ugnayan niyo sa bawat isa.

Kaya makikita natin na totoo, hindi tinabas ng Diyos ang pagmi-Misa. Bagkos, lalo pa nga Niya itong pinalalim. God made the Celebration very personal to us. Dati kasi pupunta tayo dito, dito lang tayo magdadasal.

Ang biro nga, may biro sa amin, may biru-biro. Pagpasok mo ng simbahan, magdadawdaw ka–ang sabi dun iiwan mo yung kasalanan mo sa labas ng simbahan. Bago ka lumabas, magdadawdaw ka ulit–kasi dadalhin mo ulit paglabas yung kasalanan mo. So pareho rin, diba?! Bumabalik lang tayo sa dating ugali!

Pero ang ginagawa ngayon, simula sa bahay, simula sa pamilya, dinadalisay ng Diyos ang lahat ng iyan! Kaya nga ba sana sa bawat sulok ng ating buhay, nandun natin nailalagay ang Diyos, nararamdaman natin ang Presensya ng Diyos.

Kapag napatatag na ang Presensya ng Diyos sa pamilya, diyan din may pagambot, pag-abot–paglampas sa sariling pamilya. Kaya nandyan din yung pagtingin sa pangangailan, yung pangangalaga ng kapwa, yung malasakit mo sa kapwa.

Kami nga natatakot kami magprusisyon sa mga parokya kasi alam namin ang mangyayari. Kapag kami nagprusisyon, siyempre maglalabasan ang tao–may bell yan, may musika, may dasal, maglalabasan yang tao. Hindi naman kagad pagkalampas ng prusisyon magbabalikan yung mga tao.

Ang takot namin yung social distancing pagkatapos nung prusisyon eh magkwekwentuhan, “O kamusta ka na?! Ngayon ko lang ikaw nakita. Tagal tagal na tayong magkapit-bahay. Kasi nakulong ka sa bahay. Pare-pareho tayong nakukulong sa bahay!”

Pero yung nga eh, makikita natin yung may paglampas sa sarili nating pamilya yung pagkakamusta. At sana lalong higit nangyayari ito sa mga taong nangangailangan.

Marami nang nagaganap dito sa ating Diocese–sa Caloocan, sa Quezon City–na may tumutulong kahit hindi nila kapit-bahay. Tumutulong galing sa Ateneo, galing sa mga seminaryo, galing sa iba’t-ibang mga negosyo. Tumutulong sila sa mga nangangailangan. Kaya makikita natin, may paglampas na sa sariling pamilya.

Yun ang nangyayari kapag napatatag ang pagmamahalan sa sariling pamilya, naguumapaw ang pagmamahal na ito para may pagabot sa kapwa.

Bandang huli, makikita natin yan ang pangangalaga ng Mahal na Ina. Yan ang pagsabay sa daloy ng pinagdadaanan natin ng Mahal na Ina ng Simbahan. Kaya makikita natin na yung ating paglilingkod sa Simbahan ay paglilingkod sa ating Ina, ay paglilingkod din sa ating Diyos.

Ang lahat nang iyan ay dahil napagtibay natin ang pagmamahalan sa pamilya. Ibinabalik tayo sa pundasyon ng pamilya. Parang lahat ng magaganap ay hahagurin ng Diyos ng Kanyang Presensya. Walang palalampasin ang Diyos dito sa epidemyang ito. Ang lahat ay pupunuin Niya ng Kanyang Presensya.

Ano ngayon yung responsibilidad natin? Makiisa tayo’t makilahok dito sa Presensya ng Diyos, dito sa pagtatalaga ng Diyos ng Kanyang pagmamahal sa atin.

Na nawa maging instrumento tayo ng pagmamahal ng Diyos sa ating kapwa. Lalo’t higit naextend po yung quarantine sa atin. Mahirap po ang quarantine.

Pero kung alam po natin na may nangangalaga sa atin–ito man ay Simbahan, ito may ay LGU–may umaasikaso sa atin, alam natin na wala tayong dapat ipangamba. Wala dapat tayo ikakatakot dahil alam natin na may nagaalaga sa atin.

At balang araw, kapag tayo din ay naalagaan, lalakas din yung loob natin mangalaga sa iba. Ipapasa natin, ibabahagi natin ang biyayang tinanggap natin mula sa Diyos.

Ito pong panahong na ito, ipagdasal po natin ang bawat isa. Ito po’y panahon dapat na yung habang tayo’y nagiisa, pinagdadasal po natin yung alam natin walang makain, alam nating naghihikahos, alam natin na kahit pagkatapos ng ECQ ay baka wala na silang balikan na trabaho. Ipagdasal po natin sila!

Ihanda po natin ang ating sarili sa ating pagkalinga sa kanila. Ihanda po natin ang ating LGU, ang ating Simbahan sa magaganap na pagbabalik sa bagong normal.

Nawa kung tayo ay sabay-sabay at kapit-kamay na maglalakbay pagtungo doon, at sa pangangalaga na rin ng Ama–ng Diyos Ama–ang lahat po ng ito ay ating mapaglalampasan. Ang lahat po ng ito ay makakayanan natin sa tulong ng Diyos.

By soccommnova

The Diocese of Novaliches Social Communications and Media Ministry (SocComm Nova)