Categories
Bishops Homily

Bishop’s Homily – 4th Sunday of Easter 2020

BishopRobbie_4thSundayEaster2020
Screen grab from Dio Nova FB Live May 3, 2020

Transcript of the Homily of the Most Rev. Roberto Gaa, D.D.
4th Sunday of Easter
Radio Veritas Tower, West Ave., Q.C.
May 3, 2020 | 7AM

Magandang umaga po sa inyong lahat! Kung mapapansin niyo po medyo kakaiba po ang lugar kung saan ako nagmi-Misa. Hindi po sa Tahanang Pari. Tayo po ay nasa Radio Veritas po. May xdeal po kami. Nagmisa po ako dito kaninang alasais at ako po’y pinagMisa nila–pumayag naman po sila na magMisa dito para sa Diocese of Novaliches Facebook.

Kaya maraming salamat po sa pamunuan po ng Radio Veritas. Maraming salamat po sa pagpagamit ng pasilidad. May music pa po tayo–may live music! Sayang nga lang po hindi pa po yung kumanta ng ating Salmo. May nangako po pero iba po yung kumanta.

Napakaganda po ng ating pagdiriwang ngayon kasi sinasabi po dito na si Kristo ang Mabuting Pastol. Pero bago siya naging Mabuting Pastol, Siya ay naging Mabuting Tupa–inihain lalo’t noong Panahon ng Pasyon.

Kaya makikita natin na, proseso siya! Proseso para kay Hesus yung pagdaan mula sa pagiging Mabuting Tupa patungo sa Mabuting Pastol. Na kahit si Kristo mismo ay pinagdaanan. Ganun siya kahalaga!

Kasi pwede naman talaga maging Mabuting Pastol na lang Siya. Pero siya ay naging mabuting tupa muna. Na kung saan ipinakita Niya, pinamalas Niya sa atin paano ba magtiwala.

Kahit dadaan sa maraming pagsubok, kahit daraan sa madaming hirap, kahit ialay ang Kanyang sariling buhay. Siya muna ay nagpakatupa bago siya nagpakapastol.

Kaya makikita natin, oo nga ano ganun din pala yung sa atin!

At ngayon, tingin ko, tayo ay tinuturuan na magpakatupa din. Yan din kasi ang tinuturo din sa mula sa Aklat Ng Mga Gawa Ng Apostol, magpakatupa ka, magtiwala ka sa Diyos.

Parang ang daling sabihin po yun kung maganda yung sinasapit natin sa buhay. Pero sa panahon ngayon, parang ang hirap magpakatupa. Parang hindi mo alam–walang kasiguraduhan. Hindi mo alam kung anong mangyayari. Siguro lalo sa akin bilang Obispo, kung anong mangyayari sa Simbahan, sa Diocese ng Novaliches.

Kasi ang huling balita ngayon ay bawal kahit sa General Community Quarantine, ay bawal pa rin magkaroon ng pampublikong Misa.

Sabi ko paano nang mangyayari?! Paano nang mangyayari sa atin?! Paano yung mga utang na babayaran? Paano yung mga sweldo–yung mga taong papaswelduhan? Paano yung mga taong nagtratrabaho?

Paano yung mga utang? Wala munang bayaran? Mangupa.

Siguro, para sa Diocese, paano yung mga taong nagugutom? Yung walang makain.

Yung unang linggo pa lang ng quarantine ay tinatanong ko, kinakamusta ko yung mga Vicar Forane. Sabi nila, “Nagkakagulo na po, Bishop! Merong mga grupong nanggugulo! Yung mga hindi kasama ng partido, ng ganitong pulitiko, ng ganitong baranggay kaptain ay nanggugulo na po at dinadamay po ang Simbahan.”

Kaya sabi ko, “Naku, Lord! Ano na ang mangyayari?”

Kaya simula ng unang linggo hanggang siguro mga maka-ikatlong linggo ng quarantine, parang balisang-balisa ako. Sabi ko kabago-bagong kong obispo, wala pa akong isang taon na obispo, eto pa yung sasapitin ko.

Sabi ko, nung ako’y tinanggap ko maging obispo, ang sabi ko sa sarili ko ay, “Lord, titiisin ko ito–ang lahat ng hirap para sa Iyo.”

Pero itong nangyayari ngayon, parang nangyayari ang lahat magtitiis, ang lahat dadaan sa hirap. Parang sa akin, parang ang hirap tanggapin yun kasi ako lang ang umoo. Hindi naman umoo ang lahat ng tao.

Kaya ang hirap, yung hirap na pagdadaanan! Na ako lang sana yung umoo, pero ngayon lahat damay!

Para akong magulang na, “Sige Lord, titiisin ko lahat!”

Pero kapag nakikita mo ang mga anak mo nanghihirap, ang hirap! Parang gusto mo sabihin, “Sige na ako na lang, Lord, ang bigyan mo ng sakit ng katawan! Ako na lang pahirapan mo huwag na yung mga anak ko!”

Pero hindi eh. Hindi pwedeng mangyari. Parang hinayaan ng Diyos.
Kaya nga ba sa atin, ang paanyaya sa atin ng Diyos–oo, totoo, naging Pastol ako ng Diocese of Novaliches noong August 24. Pero ngayon, ako ay inaanyayahan ng Diyos na maging tupa–magtiwala ng masmalalim sa Kanya.

Oo, totoo, nandyan pa rin yung mga utang, nandyan yung pasweldo na–uhmm! Nandyan yung mga napakaraming mga kailangang gampanan.

At tinatanong ng Diyos, sa gitna ng pagkabalisa, “Nagtitiwala ka ba talaga sa Akin? Kaya mo bang isantabi lahat iyan? Hindi sa wala kang pakialam, pero may tiwala ka ba sa Akin?”

Ang dami ko pang lumabas na iba pang mga angal bago ko sabihing pikit-mata, “Opo, Panginoon!”

Parang sinasabi ng Diyos, “Magpakatupa ka muna sa iyong mga tupa. Kasi kapag ika’y naging tupa, pwede ka ring maging pastol. Kasi yung pinagdadaanan mo ngayon bilang tupa, ay pinagdadaanan ng mga tupa mo. Kaya ang iyong pagmamahal, iyong malasakit, iyong pagaalala, alam mo ang sinasabi mo. Alam mo ang pinagdadaanan mo kasi alam mo rin ang pinagdadaanan nila.”

At yung paanyayang iyan ay hindi lamang sa akin bilang Pastol ng Diocese. Pero ang bawat isa ay pastol. Pastol siya ng kapatid niya, pastol siya ng mga anak niya, pastol siya ng mga katrabaho niya. Pastol tayong lahat.

Pero bago tayong maging pastol, tayo’y maging tupa! Marunong maramdaman ang pinagdadaanan ng kapwa. At kung yun ay nagagawa natin, pwede tayong maging pastol kasi alam natin ang pangangailangan ng ating kapwa. Kaya alam natin yung pangangailangan ng ating tupa.

Si Kristo nagtiwala sa kanyang Ama. Buong-buo ang tiwala sa Kanyang Ama. Ganun din sana sa atin. Maipasa sana sa atin ni Kristo yung pagtitiwala niya sa Ama.

Kaya yung ating pagpapastol, hindi lamang dahil sa ating lakas, sa ating talino, sa ating galing, sa ating resources. Pero yung pagpapastol natin ay galing sa Diyos, ang Tunay Na Pastol. Tayo ay nakikipastol-pastol lang. Nakikiramdam-ramdam lang. Pero ang tunay na pastol ay ang Diyos.

Kaya sana sa atin, magtiwala tayo sa Kanya na hindi Niya tayo pababayaan–hindi niya tayo ililigaw, hindi Niya tayo ipapahamak! Totoo dadaan tayo sa pagsubok! Pero yun ay para tayo lumakas, hindi para malupig, pero para lumakas!

Kaya mga kapatid magtiwala tayo sa Diyos bilang Mabuting Pastol. Magtiwala tayo sa Diyos tayong mga tupa niya. Pero magtiwala din tayo sa Diyos bilang pastol din sa ating kapwa–nangangalaga, nagmamahal, at naglilingkod.

By soccommnova

The Diocese of Novaliches Social Communications and Media Ministry (SocComm Nova)