Categories
Bishops Homily

Bishop’s Homily – 3rd Sunday of Easter 2020

Screengrab from FB Live April 26, 2020

Transcript of Homily of Most Rev. Roberto Gaa, D.D.
3rd Sunday of Easter
Tahanang Pari Priests’ Lounge
April 26, 2020 | 7AM

Magandang umaga po sa inyong lahat!

Talagang lahat gagawin natin para magkaroon ng magandang pagdiriwang, pati pagsuot ng microphone! Mamaya magtitinda na ako sa SM.

Napakaganda po ng ating Pagbasa kasi sinasabi dito yung mga apostoles, habang sila ay nasa daan, balisang-balisa sila. Tumabi na sa kanila si Hesus na nakasama nila ng tatlong taon pero hindi nila nakilala. Para bagang may talukap, may tabing ang mga mata ng mga apostoles. Katabi na nila, naririnig na nila, nararamdaman ang Presensya, pero hindi pa rin nakilala si Hesus.

At ilang beses nang nagparamdam si Hesus na Siya ay buhay nang muli. Yung isa yung wala nang laman ang libingan na kung saan ibang-iba kaysa dun sa muling pagkabuhay ni Lazaro dahil maayos ang lahat ng kayong ipinangbinalot sa Kanya. Para bang nalusaw ang katawan ni Hesus sa loob ng kayong na iyon.

Yan din ang kwento ni Maria Magdalena na nakita niya ang dalawang mapuputing anghel na kung saan sinasabi sa kanya, ‘Magpunta kayo sa Galileya at tatagpuin kayo ni Hesus.’

Dalawang tanda na tapos ito pang sa Emmaus. Siguro nga kakaibang-kakaibang ang anyo ni Hesus. Siguro nga parang masyadong madiin ang tatak sa puso’t sa isip ng mga apostoles sa kakapangyari lang na paglalait, pagpapahirap, pagpapasakit ni Hesus–Kanyang pagkapako sa krus at Kanyang pagkamatay.

Malalim na malalim at malinaw na malinaw ang tatak sa puso ng mga apostoles na hindi sila makalampas na nabuhay nga talaga si Hesus. Isang malagim na kamatayan.

Pero yun nga eh, tumawid na si Hesus! Tinawid Niya ang kamatayan at Siya’y muling nabuhay. Pero ang mga apostoles ay naiwan pa din dun sa imahin ng kanyang pagkamatay. Bagong Hesus, hindi natin mamukhaan. Pero tayo’y naiiwan pa rin dun sa lumang buhay.

Pwede nating sabihin yan yung pinagdadaanan natin ngayon na kung saan tayo’y boryong na boryong na sa bahay! Na nasiyasat na natin ang bawat sulok, bawat kanto ng ating bahay at para bagang wala tayong magawa.

Hindi natin mapuntahan yung gusto nating mapuntahan. Pero ano nga ba ang paanyaya ng bagong buhay ni Hesus. Yung bagong buhay ni Hesus ay baka parang sinasabi Niya, ‘Napakaraming pwedeng gawin!’

Nagbubulag-bulagan lang tayo sa dami ng gagawin. Pwede tayong maglaba, pwede tayong maglinis, pwede tayo maglampaso, pwede tayong magayos-ayos ng tulo ng bahay. Napakaraming pwedeng gawin! Maraming pwedeng buting-tingin.

Yung pagkaboryong natin sa bahay, pwede nating sabihin na ito yung panahon natin na makasama natin ang buong pamilya! Maiparamdam natin ang ating pagmamahal sa kanila. Maturuan ng tamang asal ang ating mga anak. Maramdaman nila yung masiglang pananampalataya natin.

Siguro yung isa pa diyan, ano ba yung bagong buhay? Na tayo ay mabuhay ng payak, na wala na tayong kung anu-ano pa hinahanap kasi alam natin andyan na rin ang lahat.

Pwede din nating sabihin, itong panahong ito, yung balisang-balisa tayo kasi walang tayong trabaho. At dahil wala tayong trabaho, wala tayong makain.

Sa balita ko, maraming nagproprotesta. Pero para bagang wala pang namamatay sa gutom. Meron pang nakakapagrebond ng buhok, nagiinuman, nagsusugal, so nakakarating yung tulong! Kahit medyo mabagal lang ng konti, pero nakakarating! Andyan yung tulong din na dumaan din sa simbahan.

Nandyan yung nagtitinda ng gulay, yung isda, manok. Kaya merong tulong. Kahit wala tayong trabaho. Kahit wala tayong para bagang nabibili bunga ng ating pagpapawis at trabaho, may tumutulong. May tumutulong!

Kaya yung pagkabalisa natin dun sana wag din yung–wag din yun yung maging dahilan para tayo’y panay labas ng labas ng bahay.

Siguro isa pang dahilan yung, ‘Eh ang liliit naman ng bahay namin!’ Siguro hindi tulad ng mga bahay sa mga malalaking village.

‘Yung maliit lang ang bahay namin. Yung aming kumidor, yan na ang kusina, yan na ang aming tulugan, yan na ang lahat! Napakahirap manatili diyan! Magpapalitan na kami ng mga mukha diyan!’

Pero siguro ang tanong dun eh, yan ba ang gusto nating gawin o mas gugustuhin natin na tayo ay makulong sa isang kahon na may lalim na six feet sa ilalim ng lupa? Pero biro lang po iyon!

Pero yun nga eh. Magandang tignan natin na kung hindi lang tayo magkukulong sa loob ng bahay, baka tayo yung sanhi ng pagkapasa ng sakit o baka tayo din yung magkasakit.

Siguro ang sinasabi dito, ang bagong buhay ay hindi mawawala ang pagtitiis. Kaya tiis lang ng konti pa. Kung minsan dinadaan na lang natin sa tawa.

Madilim man ang tatak ng COVID sa buhay ko. Malagim man ang kaganapan sa kasaysayan ng tao. Ang paanyaya sa atin ng Diyos ay manatiling bukas ang mata mulat ang presensya sa ating Panginoon, sa kabutihan Niya, lalo’t higit sa mga taong tumutulong sa atin.

Ito man ay mga negosyanteng nagbibigay ng gift check. Ito man yung gobyerno o pamahalaan, LGU na nagbibigay ng tulong sa atin. Tignan din nating yung kabutihan ng ating sarili na natutupsan ngayon. Yung pasensya, yung pagtawa sa tiisin, yung pagunawa sa ating kapwa–yan ang presensya ng Diyos sa buhay natin!

Magpasalamat tayo sa Panginoon dahil ang Diyos ay tunay na matapat sa atin. Pero paanyaya ng Diyos, manitili sa presensya ng Diyos.
Tulad ng ilang linggo ko nang sinasabi, itong COVID19, itong pandemic na ito, parang atat na atat na tayong lumabas at gumala. Pero marami nang naituro sa atin ito.

Huwag sanang parang bula mawawala na lamang ito kasi tapos na ang pandemic. Huwag din sanang mawala ang ating pagsasaliksik, paghahanap ng presensya ng Diyos sa ating buhay.

Manatili sana tayo sa Diyos. Kahit wala nang pandemic, kahit wala na yung virus, itong mga natuklasan nating bagong buhay ay sanang hindi mawala. Ito sana ang dahilan kung bakit natin pinagpapasalamat itong pandemic na ito.

Para bang ang pangangaral sa atin ng Diyos itong panahon na ito ay tunay na lumalim at magkaroon ng buhay.

By soccommnova

The Diocese of Novaliches Social Communications and Media Ministry (SocComm Nova)