Categories
Bishops Homily

Bishop’s Homily – 2nd Sunday of Easter 2020

Transcript of Homily of the Most Rev. Roberto Gaa, D.D.
2nd Sunday of Easter
Tahanang Pari Conference Hall

April 19, 2020 | 7AM

Magandang umaga po sa inyong lahat!

Tayo po ay nasa ika–maglilimang linggo na–at nararamdaman na talaga natin yung hirap. Siguro ang hirap nito’y dala ng kawalan ng kasiguruhan. Hindi natin alam kung ano na nga bang mangyayari pagdating ng April 30.

Ipagpapatuloy ba ang quarantine? Kasi hindi pa rin bumababa yung kurbada, parang pataas pa rin. Parang nawawalan ng kasiguraduhan ang mangyayari sa atin.

Ang sabi ng ekonomiya, dapat magumpisa na, kasi kung hindi babagsak ang ekonomiya. Pero ang sabi ng mga manggagamot, kung sila ay magbabalikan sa kanilang mga trabaho, manunumbalik at lalo pang tatarik ang pag-akyat ng mga may sakit.

Kaya talagang hating-hati ang kalooban–siguro lalo na ni Presidente. Babalik na basa sa normal pero isa-saalangalang mo ang kalusugan ng nakararami? O mananatili ang quarantine pero paano naman ang industriya at kabuhayan ng mga tao?

Buti sana kung may deadline na ito. Buti sana kung sasabihin, ang sakit ay may expiration date. Walang expiration date. Kaya lalong nakakatakot, lalong nangangamba ang mga tao. Ano nga ba ang sasapitin natin?

Kaya para sa akin–at siguro para sa nakakarami–sa panahong ito, para bagang nagkukubli ang Diyos.

Tulad ni Tomas, hindi niya makita ang Panginoon–kahit ipinaliwanag na sa kanya ng mga apostoles, ‘Nakita namin ang Panginoon!’

‘Hangga’t hindi ko nahawakan ang Panginoon, hindi ako maniniwala!’

Nagpakita na kay Maria Magdalena, hindi pa rin naniniwala. Walang laman ang libingan ni Hesus, ayaw pa rin maniwala.

May tatlo nang pangyayaring nauna, pero hindi pa rin maniwala si Tomas.

Parang ganoon sa napakaraming tao. Hindi mapakaniwala na, nasan na ang Panginoon? Nagkukubli ang Panginoon. Nasaan ang kadakilaan ng Muling Pagkabuhay?

Pero tulad ng sinabi kay Tomas, ang sinabi, ‘Maniwala ka at makikita mo ang kadakilaan ng Diyos!’

Maniwala ka at makikita mo. Kaya nga ba ang paanyaya sa atin, magtiwala sa Panginoon. Kung tayo ay maniniwala sa Panginoon, may kapanatagan ang loob. Hindi tayo natataranta, hindi nababalisa.

Kahit hindi natin kontrol ang buhay, pero alam natin kontrolado ng Diyos ang nangyayari sa atin, may kapanatagan ng loob. Hindi tayo matataranta dahil meron tayong maasahan sa Diyos.

Hindi lang naayon sa plano natin! Pero itong lahat ng ito ay naayon sa plano ng Diyos. Huwag natin ipilit kung ano yung hatak nga katawan natin, yung isipan. Magtiwala sa Panginoon.

Kapag ganun ang mangyayari, makikita natin na hindi tayo balisa, panatag ang ating loob, hindi tayo natataranta lalo’t higit para sa sarili nating pangangailangan.

Kaya nga ba tingin ko, kaya ganun na lang ang ginawa ng mga apostoles sa Unang Pagbasa. Nagtitiwala sila sa Panginoon kaya hindi nila inuuna yung sarili nilang pangangailangan. Inaalala nila ang pangangailangan ng mga tao sa kanila, sa kanilang samahan, sa kanilang pagkakapatiran kung sino ang nangangailangan. Yun ang kanilang inuuna.

Kaya makikita natin na–oo nga ano!–yun ang bunga ng kapanatagan sa Diyos: ang unahin ang pangangailangan ng iba. Alam ng Diyos ang pangangailangan natin.

At kung tayo ay nagtitiwala sa Diyos, hindi Niya tayo pababayaan, lalo’t higit sa panahon na ito. Totoo, pwede tayong magutom ng konti, pwedeng tayong mawalan yung ating mga nakagawian.

Pero kung anong mahalaga, hindi magkakait ang Diyos. God will continue to sustain us. And if God will be this faithful to us, we have nothing to worry about. Wala tayong takot at pangamba at handang-handa tayo magsilbi lalo na sa mga nangangailangan.

By soccommnova

The Diocese of Novaliches Social Communications and Media Ministry (SocComm Nova)