Categories
Bishops Homily

The Bishop’s Homily – Easter Vigil 2020

Transcript of the Homily of the Most Rev. Roberto Gaa, D.D.
Easter Vigil
Cathedral Shrine and Parish of the Good Shepherd

April 11, 2020 | 730PM

Happy Easter po sa inyong lahat!

Napakaganda po ng ating Liturhiya! Nandun po yung drama ng dilim at liwanag! Nandun po yung drama ng kasalatan pero yung presensya ng Diyos naroroon!

Para bagang alam ng Diyos ang pinagdadaanan natin. Hindi lamang dahil dito sa COVID19. Pero ito’y talagang natural nating pinagdadaanan.

Na tayo’y may pagdaraanang hirap, lalo’t higit kung ito’y tatanggapin natin. Tanggap natin sa ating puso itong hirap na ito, alam din natin na kasabay natin ang Diyos.

Mabibigyan tayo ng lakas ng loob, mabibigyan tayo ng sigla, mabibigyan tayo ng pagasa. At sa huli, mapaglalampasan natin ito.

At makikita natin dun, na dun sa ating paglampas, tayo ay naging masmabuting tao. At sa aking palagay, yan naman talaga ang nais ng Diyos. Inihahanda tayo lagi ng Diyos para sa patuloy na pagbabago na nangyayari sa atin.

Kahit itong COVID19 ay isang paghahanda ng Diyos ng ating kaloob-looban.

Sino bang makakapagisip na–kadalasan po kasi ang retreat o recollection para sa Lent ay iisang araw o dalawang oras lamang–pero simula po March 15, simula po ng quarantine, ay nagreretreat na po tayo sa ating bahay.

At doon pinapagnilay sa atin ng Diyos, ano nga ba ang ugnayan natin sa Kanya? Sino nga ba ang Diyos sa atin?

Kaya nga ba, itong maganda, itong mga pagbasa. Ito yung tanda ng pakikilahok ng Diyos sa ating buhay.

Simula sa paglikha ng sansinukob, sa pagsubok ni Abraham, hanggang sa pagtawid ni Moises sa dagat, nakikilahok ang Diyos. Kaya kahit sa akin, pwede nating tignan, kahit yung pagkalibing ni Kristo ay pakikilahok ng Diyos sa mga nangamatay.

Yan yung sinabi ni isang Theologian si Hans Ursbon Baltazar, ang Black Saturday ay ang pakikilahok ng Diyos at pakikiisa ng Diyos sa mga nangamatay.

Kaya sinasabi natin dito, ang presensya ng Diyos ay nakakaabot hanggang sa nangamatay at presensya pa ni Kristo yun.

Kaya makikita ng Diyos–makikita natin ang Kanyang pakikilahok ay sa mga nabubuhay at sa mga namatay. Kaya nga ba pagdating sa Kanyang muling pagkabuhay, lalo’t higit dun sa Ebanghelyo, pagkatapos ng isang malagim at malupit na kamatayan, parang hirap na hirap bukasan ng tao ang kanyang mga mata.

Parang nasanay sa dilim ang tao, nasanay sa siya’y nakapit, siyang walang nakikita, sanay na madapa sa dilim. Kaya nga ba nung nagliwanag si Kristo, nasilaw ang lahat. Para bagang nabulag ng muli, pero hindi sa kadilim–nabulag sa matinding ilaw.

At para sa akin, yan ang dala-dala ni Kristo para sa atin. Ang patuloy na pagbabago ay nagmumula sa pagkamatay, pagkalibing, at muling pagkabuhay. Ang tawag po sa Ingles diyan ay yun yung Paschal Mystery. The Paschal Mystery that we all go through daily in our life.

Binigyan lang ng pangalan ng Diyos, binigyan ng pagasa ng Diyos, binigyan ng liwanag ng Diyos.

Simula sa umpisa ng ating buhay meron nang Paschal Mystery. Yung nanay natin naghirap sa kanyang pagbubuntis. Kahit tayo, sa ating sinapupunan–sa sinapupunan ng nanay natin, sa ating paglabas, pare-pareho tayong nahirap ang ating ina sa pagluwal.

Pero makikita natin dun, dun sa pagluwal, may bagong buhay. Kaya makikita natin na yan yung Paschal Mystery na pinagdadaanan natin lagi-lagi sa buhay natin.

Hindi tayo laging nasa gloria. Pero tayo ay dadaan sa madilim na kuweba, mamalagi ng ilang sandali sa kadiliman ng kuwebang ito, sa kadiliman na ito. Pero tayo’y hindi nananatili sa madilim. Tayo ay inaalalayan ng Diyos sa paglabas sa dilim dahil si Kristo mismo ang ating Liwanag.

Kaya nga angkop na angkop yung ating Ikalawang Pagbasa, yung mula sa Sulat Sa Mga Taga-Roma. Sinasabi doon na ang pagbibinyag–diba kapag nagbibinyag, lalo’t higit nung unang panahon, inilulubog sa tubig ang bibinyagan.

At kapag ika’y hindi pinaahon, patay ka, lunod ka! Pero hindi natatapos ang binyag dun sa paglubog ng tubig. Ikaw ay iaahon sa tubig. Parang sinasabi dun, sa iyong pag-ahon, yun ay pag-ahon mo sa bagong buhay.

Ikaw namatay sa kasalanan, namatay sa kahinaan, namatay sa inggit, pero ikaw ay muling mabubuhay. Ikaw ay namatay sa galit, ikaw ay namatay sa inggit, sa takot, pero ikaw mabubuhay sa pagasa.

Kaya makikita natin, itinatawid tayo mula sa pagkamatay hanggang sa muling pagkabuhay sa Sakramento ng Binyag. At yan ay linggo-linggo nating ipinagdiriwang.

Malalim po ang hamon nitong pandemic na ito. Kung titignan natin yung graph po ng confirmed cases ay tumataas pa rin po. Kahit po yung mga nangangamatay ay tumataas pa rin po. Merong kawalan ng kasiguraduhan. Hanggang kailan ba ito? Anong mangyayari sa atin?

Kahit yung ekonomiya natin, ano na ang sasapitin ng ating ekonomiya? Ng ating Simbahan–ganito na lang nga ba tayo?

Pero sa kadiliman na ating dinaranas ngayon, ang Diyos pa rin ang nagbibigay sa atin ng pag-asa. Pag-asa na hindi dahil sinabi lang Niya, pero pinatunayan Niya ito sa kasaysayan natin. Pinatunayan Niya ito sa Kanyang sariling Anak, na kahit ang kasalanan–lalo’t higit ang kamatayan–ay kanyang sinakop na.

Magtiwala tayo sa Diyos, manalig tayo sa Diyos. Siya ang ating bagong buhay. Siya ang ating pag-asa. At ito’y napatunayan na Niya at patuloy pa niyang pinapatunayan magpahanggang ngayon. Kapit lang tayo sa Diyos at makakatawid din tayo sa Kanyang liwanag.

By soccommnova

The Diocese of Novaliches Social Communications and Media Ministry (SocComm Nova)