Categories
Bishops Homily

The Bishop’s Homily – Good Friday 2020

Transcript of the Homily of the Most Rev. Roberto Gaa, D.D.
Good Friday
Cathedral Shrine and Parish of the Good Shepherd
April 10, 2020 | 3PM

Magandang hapon po sa inyong lahat.

Habang pinakikinggan natin ang Unang Pagbasa mula sa Aklat Ni Propeta Isias–tandaan po natin na ito ay sinulat mga 600 o 650 years bago dumating si Hesus, pero habang pinakikinggan natin ang ating Unang Pagbasa, para bagang alam ni–ng Propeta kung ano ang mangyayari kay Hesus–ang bawat pahirap, bawat pasakit–malinaw na malinaw na isinulat ni Propeta Isaias.

Kaya nga ba pwede natin itanong, ‘Yan ba nga talaga ang kagustuhan ng Diyos? Ikinatuwa ba ng Ama na maghirap ang Kanyang Anak?’

Natatandaan ko po, siguro mga 15 years ago o 15-16 years ago, yung pelikula na ‘Passion Of The Christ’, habang si Kristo po ay nakabayubay sa Krus, may isang patak ng tubig na pumapatak papuntang lupa. At ito ay pumatak malapit sa paanan ng krus ni Hesus. Walang paliwanang. Walang sinabi tungkol doon.

Pagkatapos po noon, ang sabi sa komentaryo, yung patak na tubig na iyon ay ang luha ng Ama dahil sa hirap na pinagdaanan ng Kanyang Anak.

Kaya pwede nating sabihin hindi ginusto ng Ama na mahirapan ang Kanyang Anak. Bakit nga ba kailangang ganun ang dapat pagdaanan ng kanyang Anak?

Ang sabi sa paliwanag kahapon, bilang paghahanda ng mga taong aalis–yung Passover–kailangang bumili sila ng isang tupa, yung walang bahid-dungis, yung walang pinsala, at yung dugo nito ang ipapahid sa poste ng bahay o poste ng pinto, sa hamba.

Para bagang sinasabi na si Kristo na walang kasalanan, walang bahid-dungis, Siya lamang ang makapagdudulot ng kaligtasan para sa ating lahat.

At ito ay mangyayari, kapag inako Niya, kinuha Niya sa Kanyang sariling katawan ang kasalanan nating lahat. At ganun nga ang nangyari, inako ni Hesus ang pinakamasama sa kasalanan, yung umiigting yung kasalanan at ito ang pagkapako Niya sa Krus.

Yung kalupitan ng kasalanan, inako Niya lahat iyon! Tanda na wala Siyang pinalampas na kasalanan! Ang lahat ng kasalanan ay inako Niya sa Kanyang Katawan!

Kahit wala Siyang kasalanang sarili Niya, inako Niya iyon alang-alang sa atin–alang-alang sa ating buhay na walang hanggang.

Kaya makikita natin na ganun katindi ang pagmamahal ni Kristo at ng Diyos Ama sa atin. Kaya nga ba makikita natin na sa Kanilang pagmamahal para sa atin, ninais ng Diyo na isakripisyo ang Kanyang Anak. Si Kristo naman, sinunod Niya ang kagustuhan ng Kanyang Ama.

Pero kakaiba sa Ebanghelyo, madadama natin na ginawa ni Kristo ang pagpunta sa Krus ng may pagmamahal. Hindi Niya ito ginawa na may tampo, hindi Niya ginawa ito na may dabog, buong pagmamahal Niyang niyapos ang krus.

Meron pong pagninilay na ginagawa po sa 30-Day Retreat. At ito po yung pagpasok ni Kristo sa halamanan na kung saan Siya ay nagpawis ng dugo. Kasi doon Niya talaga naramdaman yung hirap na Kanyang pagdaraanan, yung sakit ng katawan at kalooban.

Pero pagkatapos Niyang pagdaanan iyon at tinanggap Niya ang kagustuhan ng Ama para sa Kanya, paglabas ni Kristo sa halamanan, wala nang takot, wala panganganib, Siya ay puno na ng pagmamahal.

Hindi dahil kaya Niyang tiisin ang krus. Kundi alam Niya ang Kanyang gagawin ay pagmamahal ng Diyos para sa ating lahat. Kaya sinalubong Niya ang Krus ng buong pagmamahal, walang pangangamba, walang takot, walang pangingimi, buong pagmamahal.

Ano ang hinihingi sa atin ngayon ng Diyos? Kasi pwedeng maganap ang lahat ng iyan ng hindi tayo nakikiisa kay Kristo o sa Diyos.

Sa ating pagsunod kay Kristo o sa ating pagsubaybay sa Kanya, inaanyayahan tayo ng Diyos na lumapit sa Kanya. Mahirap yung pinagdadaanan Niya–ang mga apostoles ay nagtakbuhan, nagtago!

Pero tayo, ngayon, inaanyayahan ng Diyos na lumapit sa Kanya–bawat hagupit ng mga sundalo, bawat insulto na Kanyang tinatanggap–dun tayo sa tabi Niya. Hindi dahil pwede nating kunin kay Kristo ang Kanyang pagdurusa. Ito ay kailangan Niyang gampanan ng Siya lamang. Ang pwede lang natin gawin ay samahan Siya sa Kanyang paghihirap. Maramdaman natin hindi lang yung hagupit, yung sakit! Maradaman sana na natin yung igting ng Kanyang pagmamahal.

Lumalim yung ating pagunawa ng pagmamahal ng Diyos para sa atin. Bahagi sa atin ay mamamatay din kapag ginawa talaga natin iyon. Ang bahagi sa atin na mamamatay ay yung kasalanan.

Kaya nga ba kung si Kristo ay namatay para sa atin, sa ating kaligtasan at inako Niya ang kaparusahan ng kasalanan, tayo din inaanyayahan ng Diyos na magbagong-buhay.

Ginawa ng Diyos ang lahat ng ito hindi lamang para bigyan ng daan ang ating kaligtasan, pero tayo din bigyan ng daan ang ating pagbabago.

Kaya nga ba pwede nating sabihin, ang ating pagsunod kay Kristo sa Kanyang pagpapakasakit ay ang ating kamatayan sa kasalanan–it is death to sin for us!

Dahil alam din natin hindi natapos sa kamatayan ang buhay ni Kristo. So there is also life. We rise to life again with Christ, tayo binibigyan ng Diyos ng bagong buhay. Tuwing meron tayong iniiwanan na kasalanan, binibigyan tayo ng Diyos ng pagkakataon isabuhay itong bagong buhay.

Marami pong nagpaparamdam sa Social Media, sinasabi, kelan ba matatapos itong pandemic na ito–hindi na kami makaantay bumalik sa dati naming buhay.

Pero baka nga ang paanyaya ng pandemic na ito at itong mahabang ‘Lenten Retreat’ ay yung pag-iwan sa buhay na naglalayo sa atin sa Diyos, naglalayo sa atin sa kabutihan tungo sa ating kapwa, naglalayo sa atin sa buhay ispiritwal natin na naguugnay sa atin sa Diyos. Bagong buhay!

Siyempre po, wala pong taong gustong mamatay, parang ineenjoy pa natin yung ating mga kasalanan. Hintayin na lang natin kapag tayo ay malapit na mamatay, dun na lang tayo magbagong buhay.

Pero dahil po dito sa pandemic na ito, parang pinaramdam na sa atin ng Diyos kung paano ba nga bang malibing–malibing at makulong sa sariling bahay. Paano nga bang alisin ang mga, sabihin na nating, mga non-essentials. Paano nga bang pinapagkilatis–pinapakilatis sa atin kung ano nga bang mahalaga sa buhay natin.

Yung ating pamilya, yung ating pagsama-samahan, hindi lamang itong buhay dito sa lupa, hindi lang yung ating trabaho, hindi lang yung laman ng ating pera sa bangko.

Ano nga bang mahalaga? Parang itong pagkakataong ito ay pagsasansan ng Diyos sa ating buhay. Ibinabalik ng Diyos sa ayos ang ating buhay. Sana nga ay huwag tayong manlaban. Huwag natin ito tignan na masamang panaginip lamang na gigising tayo balang araw. Tignan din natin sana ito na may tinuturo sa atin ang Diyos ngayon man, hindi yung tapos na.

Pero ngayon pa man pinaglilinaw na ng Diyos ang ating isip, ang ating puso para malaman kung ano ba talaga ang importante sa buhay na ito–itong buhay nga lang ba na ito o ang buhay na walang hanggan.

At pagkatapos nun, may pagputol, may kamatayan, may pagyapos sa krus, para meron ding pagyapos sa buhay na walang hanggan. Mahirap po iyon pero si Kristo po ay nagsilbing halimbawa na.

Si Kristo po ay nagsilbing daan, ginawa Niya po ito. Nawa ‘wag sana tayo matakot yapusin ang krus, para sa ating pagyapos sa krus ay pagyapos din natin sa buhay na walang hanggan.

By soccommnova

The Diocese of Novaliches Social Communications and Media Ministry (SocComm Nova)