Categories
Bishops Homily

The Bishops Homily – 4th Sunday of Lent 2020

BishopRobbieGaa-HolyMass032220-2
Screen grab from Dio Nova FB

Transcript of the Homily of the Most Rev. Roberto Gaa, D.D.
4th Sunday of Lent
Tahanang Pari Chapel
March 22, 2020 | 7AM

Magandang umaga po sa inyong lahat!

Napakaganda ng ating pagbasa, lalo’t higit sa mga regular na nagsisimba–yung mga taong Simbahan.

Sa panahon po ngayon, sa ating pakikipagusap sa dalawang LGUs sa Caloocan at Quezon City, pareho kaming sinabihan na, “Bishop, huwag muna kayong makikialam. Hayaan niyo muna kami ang gumawa. Kami ang magpakain, kami magaayos. Sundin niyo na lang po ang alituntunin ng ating enhanced community quarantine.”

At nung sinabi yun, para bang itiniklop nila yung gawain ng Simbahan–yung pwedeng tumulong.

Kaya nga yung mga pari, mga taong Simbahan ay nananatili lamang sa bahay na nagaantabay kung ano yung susunod na mangyayari.

Ang sa akin, naramdaman ko, para bagang tayo’y biglang naging bulag. Parang wala kang magawa kahit likas sa atin ang tumulong. Napahirap kasi yun ang likas sa atin. At ngayon parang wala na yung likas sa atin.

Baka may ibang sinasabi sa atin ang Diyos. Sinasabi sa atin ng Diyos na tayo ay tumingin sa ating sarili muna.

Siguro tulad ng ating Unang Pagbasa sa Unang Aklat Ni Samuel, ang sinabi dun ng Diyos ay, “Hindi panlabas na itsura ang iyong tignan.”

Kasi si David siya yung pinakabunso, pinakabata. Hindi siya tulad ni Eliab–matipuno, matikas ang katawan, mataas. Pero si David ay bunsong anak at siya’y nangangalaga sa mga tupa, pero siya ang pinili at hinirang ng Diyos.

At yun tingin ko ang paanyaya sa atin. Baka merong hinahanap sa atin ang Diyos. Tayo’y inihahanda ng Diyos sa isa pang mas kakaiba pang misyon.

Kaya huwag tayo mabahala, huwag tayo mabalisa dahil wala pa tayong ginagawa ngayon–tayo ay nagdarasal lamang. Pero hindi natin alam ang kapangyarihan ng panalangin.

Kasi makikita natin sa ating Ebanghelyo yung bulag pa ang nakakita sa Pangingoon, ang bulag pa ang nakakilala sa Panginoon. Yung mga aral, yung mga bihasa sa mga pagbasa hindi nila nakita–ayaw nilang makita ang Panginoon. Yung bulag pa ang nakakita sa Panginoon.

Pero ang nakakatawa dun ay putik ang pinahid sa mata ng bulag–dura at lupa. Sa atin, allergic na tayo sa dura kaya nga lahat tayo naka face mask. Kaya tayo hindi pinalalabas kasi ayaw natin matalsikan ng dura.

Pero yung dura pa nga ang ginamit ni Hesus sa napakaraming kasangkapan. Pero ginamit ng Diyos iyon para itaas ang tao, para pagalingin ang tao, para bigyan siya ng misyon. At siya ay pinaghilamos sa dinepositong tubig ng Siloe.

At makikita natin dun talagang yung kadakilaan ng Diyos ay nakikita sa mga simpleng bagay.

Kaya nga dito nga po, dahil kami po ay nakakulong–o ako ay nakakulong dito sa Tahanang Pari.

Ngayon po na ngayon ay tinigil, titignan mo yung paligid mo, ngayon nga lang ako nakaakyat sa roofdeck at nakita ko yung kalikasan–napakaganda!

Yung mga bagay na hindi mo napapansin dati, bumagal kasi ang buhay. Pero sa isang banda, kahit saang pagbagal ay makikita mo ang kadakilaan ng Diyos, sa Kanyang paglikha. Ang kadakilaan ng Diyos, sa pakikiisa ng Diyos sa tao sa pagbigay ng kung ano ang kailangan niya.

Nagtatalo ang Pariseo, yung mga ibang nakasaksi, ‘Siya nga ba ay galing sa Diyos, yung kapangyarihan niya na magpagaling?’

At dito sinasabi, ‘Dahil gumawa siya sa Araw ng Pamamahinga, makasalanan yan!’

Para bagang yung batas ay talagan dapat umiral para Siya ay dakilaan, para sabihin Siya ay hindi makasalanan.

Pero sa isang banda, sinasabi dahil sa kababalaghang ginawa Niya, siya ay galing sa Diyos.

Nandoon tayo sa dilema na iyon. Tayo ba ay gagawa sa panahong hindi dapat munanat tayo ay maghihintay lamang? O tayo ba ay mananatili dito at hihintay natin ang kababalaghan na magmumula sa Diyos?

Pero siguro bilang pagbuod ng lahat ng ito, balik tayo sa Ikalawang Pagbasa dahil doon sinasabi ‘tayo ay hinirang ng Diyos mula sa kadiliman, patungo sa kaluwalhatian. Tayo ay magkaroon ng buhay na mabuti, matuwid, at totoo.’

At yun lamang ay makakamit kung patuloy nating hahanapin ang Diyos sa panahong ito. Pagaralan ang kalugod-lugod sa Panginoon.

Ang daming lumalabas na balita…ang gamot nagkakaubusan sa botika, ang lahat ng tao kahit hindi naman sila iinom ay nagiipon na sila ng gamot, bunga ng pagkataranta, bunga ng walang kapanatagan.

Pero sinasabi ng Diyos, ‘Maging panatag kayo sa Akin. Huwag kayong mataranta, lalo na itong sa panahon ng kadiliman. Manalig kayo sa Akin.’

Ang nangyayari sa atin ay hindi yung kagustuhan natin. Pero ito’y pinayagan ng Diyos. At dahil ito’y pinayagan ng Diyos, alam ng Diyos ang lahat ng nangyayari sa atin. At ang hinihingi Niya sa atin ay magtiwala sa Kanya.

Sa tamang panahon tayo ay gagalaw. Sa tamang panahon lalabas sa atin, gagawin natin kung anong likas sa atin. Sa tamang panahon ang Diyos ang magpapagalaw sa atin.

Pero sa panahong ito ngayon, tayo ay manalangin, hanapin natin ang Diyos. Hanapin natin kung ano ang kalugod-lugod sa Kaniya.

Sikapin maging panatag ang loob sa Kanya.

Totoo malungkot. Kasi kahit ang mga pamilya’y nagkakahiwalay-hiwalay. Ang mga nagtratrabaho ay minsan ay pinipili nilang dun na sa trabaho matulog, dun na lahat, at yun ay naglilikha ng pagkakahiwa-hiwalay.

Pero sinasasabi ng Diyos na hanapin mo ang kapanatagan–hindi sa mga bagay na nangyayari, sa itsura nangyayari sa atin ngayon. Pero hanapin mo ang kapanatagan mo sa Diyos.

Sa aking personal–siyempre inaantabayanan ko ang nangyayari sa labas–at kahit bumibigat yung loob ko sa habang tinitignan ko ang lahat ng yan at napapansin ko sa aking sarili tuwing ako ay nagdarasal at ninanamnam ang Kanyang kasulatan, ang Banal na Kasulatan, nararamdaman ko ang kapanatagan sa Diyos.

Paanyaya ng ating Pamahalaan ang manatili sa mga bahay. Hayaan natin ang mga frontliners na humarap sa krisis ngayon. Hayaan natin ang mga frontliners na sumupil sa ganitong sitwasyon.

Patuloy natin silang ipagdasal. Patuloy natin silang suportahan. Sila man ay kilala natin o hindi, sila ang magtatawid din sa atin dito sa krisis na ito. Tuloy ang panalangin natin at tulungan rin ng ating Panginoon.

Maging panatag ang loob sa Kanya. Huwag mataranta, huwag mabalisa, para ang ating paggalaw ay maging kalugod-lugod sa Kanya.

By soccommnova

The Diocese of Novaliches Social Communications and Media Ministry (SocComm Nova)