Categories
News

Maria Daan Sa Pagtuklas Ng Kapatiran

84333665_2793542097426375_2193350080495353856_o
Ang naging patron ng PCNE7, ang Nuestra Senora Del Pilar ng Diyosesis ng Imus, ang Mahal na Ina. (Larawan ni Minnie Agdeppa)

Ang mahalagang papel ng Birheng Maria, na tinaguriang Star of the New Evangelization, ang naging isa sa binigyang diin ng Kanyang Kabunyian Luis Antonio Cardinal Tagle sa naganap na 7th Philippine Conference on New Evangelization (PCNE7) sa kanyang homiliya noong Enero 28, 2020.

“At sa mahal na Ina, ang Ina, makilala natin ang bawat isa bilang kapatid sa iisang pamilya,”ani ng Cardinal sa libu-libong taong nakikinig sa loob ng Smart Araneta Coliseum.

Nauna dito sinabi niya na, “Sa ilalim ng patnubay ng iisang Ama, matuklasan nawa natin muli ang kapatiran at pagiging kapwa.”

Pinalawig niya ang tema ng PCNE7, “At Sino Ang Aking Kapwa?”, na base naman sa kasalukuyang tema ng taon sa Pilipinas na Year of Ecumenism, Inter-Religious Dialogue, and Indigenous Peoples.

“Kasi minsan ang tingin natin sa kapwa ay iba sa atin,” ani Cardinal.

Ipinahiwatig niya na ang bunga ng unang pagkakasala ng ating unang magulang na si Eba’t Adan ay ang hindi pagkakaunawaan at pag-uugnayan. Kung kaya’t “ang regalo ay naging salot”. Ang pagkasira ng kapatirang ito, pagbigay diin niya, ay siyang minana ng tao sa mundo.

Ipinaliwanag ng Cardinal na minarapat na sa pagbukas ng Misa ay ang pagpasalamat sa Diyos para sa Mahal na Ina, bilang Ina ng Simbahan, at dahil siya ang Ina na nag-uugnay sa ating lahat. Ipinaalala niya na ang tao ay nabigyan ng pag-asa sa paanan ng Krus at binuo muli ng Panginoong Hesus ang nasirang kapatiran. Sa paanan ng Krus ni Hesus bumukal ang bagong pamilya na nakabatay sa kalooban ng Diyos.

Bago nagsimula ang Banal na Misa ay pinasigla sa saliw ng musika at pag-indayog ng mga estudyante, layko at mga kaparian ng Diyosesis ng Imus sa isang Karakol. Doon ay naihatid at naitanghal ang Birhen Nuestra Seniora Del Pilar sa harap ng mga dumalo sa PCNE 7.

Kung kaya sa pagtatapos ng kanyang homiliya nagbilin ang Cardinal sa lahat na,”Sa Nuestra Senora Del Pilar, ating ihabilin ang sarili at ang pagkakaisa ng Sangkatauhan.”

Sa pagdaos ng PCNE7, binigyang diin ang hangaring mapaigting ang pag-uunawaan at pagkakaibigan ng mga tao sa mundo iba’t-iba man ng Pananampalataya at kultura. Ang PCNE ay taunang ginaganap bilang paghahanda sa ika-500 Anibersaryo ng Kristiyanismo sa Pilipinas. Inaasahang ang naganap na PCNE7 ang huli nang pagkakataong idaraos ito dala ng pagkadestino na ng Kanyang Kabunyiang Luis Antonio Cardinal Tagle sa Roma. (~Ramon Alonzo)

By soccommnova

The Diocese of Novaliches Social Communications and Media Ministry (SocComm Nova)