Categories
News

Obispo: Ang Bawat Isa Ay Tinawag Na Maging Tagapagpahayag Ng Mabuting Balita

82417813_2754164104697508_2367720504262918144_o
Ang Obispo ng Alotau-Sideia, Papua New Guinea Lubos na Kagalang-galang Rolando Santos, D.D. na siyang naging punong tagapagdiwang ng Misa para sa ika-25 Anibersaryo ng WYD Manila sa Diyosesis ng Novaliches kasama ng Obispo Imerito ng Novaliches Lubos na Kagalang-galang Antonio Tobias, D.D. at ang Obispo ng Novaliches Lubos na Kagalang-galang Roberto Gaa, D.D. noong Enero 11, 2020. (Larawan ni Aimee Mendoza)

Pagpapahayag ng Pag-ibig ng Diyos ang naging sentro ng Homiliya ng Lubos na Kaggalang-galang Rolando Santos, D.D., Obispo ng Alotau-Sideia, Papua New Guinea sa Banal na Misa na nagbukas sa pagdiriwang ika-25 Anibersaryo ng World Youth Day (WYD) Manila ng Diyosesis ng Novaliches noong Enero 11, 2020.

Kayo ay tinawag hindi lamang matutunan ang Mabuting Balita kundi upang ipahayag din ito sa iba,” pagbibigay-diin ng Obispo sa Ingles sa mga naging delegato ng WYD at mga kinatawan ng Ministry ng Youth ng Noaliches (MOY Nova) na nagtipon sa Cathedral Shrine and Parish of the Good Shepherd sa nasabing kaganapan.

At dahil alam ni Bishop Santos na halos lahat ng mga Kabataan ay gumagamit ng cellphone, iminungkahi niya na gamitin ito, kasama ang makabagong teknolohiya upang, “ipamahagi ang Mabuting Balita at ipangalap ang kagandahang asal”.

Binigyang-diin ni Obispo Santos ang tema ng selebrasyon na, “Tell the World of His Love—25 Years After”, kung saan sinabi niya na ang ang pagpapahayag ng Pag-ibig ni Kristo para sa atin ay nananatiling isang malaking hamon hindi lamang para sa mga naging delegado ng WYD 1995 kundi pati na rin ng mga Kabataan ngayon at sa mga susunod pang henerasyon ng mga Kabataan.

Para sa kanya isa sa mahalagang misyon ng mga Kabataan sa ngayon ay kung paano nila ipapahayag sa mundo ang pag-ibig ni Kristo sa lahat, na paalalahanan sila na tayong lahat ay mahal ni Kristo.

Naniniwala ang mahal na Obispo na ang Apostolic Exhortation ni Papa Francisco, ang “Christus Vivit”, ay karugtong lamang ng tema ng WYD Manila. Ipinaalala niya sa mga Kabataang naroon sa Katedral na sila ay hindi lamang tagatanggap ng Salita ng Diyos. Sa kabila ng mga nararanasang pagsubok, ang kanilang misyon ay ang pagpapalaganap nito bilang kanilang ambag para sa ikabubuti ng Simbahang Katoliko at ng mundo.

At para naman sa mga naging delegado ng WYD 1995, sinabi ni Bishop Santos na dahil karamihan sa kanila ay may sarili nang mga pamilya, hindi naman ito hadlang para ipagpatuloy nilang isabuhay ang habilin ni San Juan Pablo II sa kanila dalawampu’t limang taon na ang nakakaraan.

Ipaalam niyo sa inyong mga anak kung gaano sila kamahal ng Diyos,” winika niya sa Ingles.

Idinagdag niya na maituturing din na isang bokasyon ng mga nakatatanda ang paggabay sa kanilang mga anak o sa mga Kabataan upang matuklasan kung ano ang pangarap ng Diyos para sa kanila at upang matutunan nilang magdesisyon batay sa kanilang Pananampalataya kay Hesus at ang pagtulong sa kapwa.

Ang pagdiriwang ng ika-25 Anibersaryo ng World Youth Day Manila sa Diyosesis ng Novaliches ay nagsilbing isang malaking pagkikita muli ng mga kaparian, dating Kabataang lingkod ng Quezon City North Ecclesiastical District (QCNED) at ng Novaliches Diocese Parish Youth Ministry (NDPYM), mga kasalukuyang Kabataang lingkod ng Ministry On Youth (MOY Nova)—dating Commission On Youth (COY Nova), at ng mga naging delegato ng WYD: Manila (1995), Paris (1997), Italy (2000), Toronto (2002), Cologne (2005), Sydney (2008), Madrid (2011), Rio (2013), Krakow (2016) at Panama (2019). (~Shirly Benedictos)

By soccommnova

The Diocese of Novaliches Social Communications and Media Ministry (SocComm Nova)