Obispo Hinikayat Ang Mananampalataya Sa Maliliit Na Pagbabago

BpRobbieGaa_AimeeMendoza.JPG
Ang Lubos na Kagalang-galang Roberto Gaa, D.D. noong Setyembre 21, 2019 sa nakaraang BEC Big Day Caloocan District sa Congress Elementary School. (Larawan ni Aimee Mendoza)

Hinikayat ng Lubos na Kagalang-galang Roberto Gaa, D.D. sa nakaraang BEC Big Day Caloocan District na ginanap sa Congress Elementary School, Bagumbong, C.C. noong Setyembre 21, 2019 ang mga Mananampalataya na magsumikap ang bawat isa sa sariling pagbabago sapagkat ito ay nakakatulong sa kabuuang pagbabago ng Simbahan.

“Tayong lahat ay mahalaga dito. Kaya nga sana sa pagdiriwang nating ito, makita natin at patuloy nating ibigay yung maliit nating ambag,” wika niya, “Patuloy natin ibigay yung ating maliit na pagbabago sa araw-araw.”

Bilang pagpapalawig sa tema ng BEC Big Day 2019 na, “Kabataan Sa Nagpapanibagong Simbahan”, at sa Kapistahan ni San Mateo na siyang pinagdiriwang sa araw na iyon, pinukaw ng Obispo ang kanyang homiliya sa nasabing pagtitipon sa kahalagahan ng bawat isa at sa mga mumunting ambag ng bawat isa sa kabuaang gawain ng Simbahan.

“Kaya makikita natin, itong ginagawa nating ito, para bang napakalaki. Napakalaking pagtitipon! Pero ito ay binubuo ng maliliit na tao. Ito’y binubuo ng maliliit na tulong, maliliit na ambag, maliliit na ambag ng sarili,” pagbibigay niya ng diin.

Pinaliwanag niya na gaya ni San Mateo, ang bawat isa ay pinahahalagahan ng Diyos at binibigyan ng pagkakataon at ng biyaya para magbago. Hindi, aniya, tinitignan ng Diyos ang kahinaan ng bawat isa na Kanyang tinatawag maglingkod sa Kanya at, higit sa lahat, maging kasama Niya sa Kanyang kaharian.

Kaya’t hinikayat niya ang bawat isa na huwag mawalan ng pag-asa bagkos ay magsumikap sa mga maliliit na pamamaraan na magbago sa bawat araw.

“Patuloy nating sikapin, yung maliit na pagbabago, maliit na pagkabuti, maliit na pagkamatay. Dahil ang kabuuan po nito ay isang malaking handog para sa Diyos,” pagtatapos ng Obispo.

Ang nasabing Misa na naganap sa BEC Big Day Caloocan District ay ang pinakamahalagang bahagi ng nasabing pagtitipon na ginanap sa katanghalian. Sa nasabing Misa tinalaga ang mga Coordinators ng BEC sa mga Bikaryato at sa buong Distrito.

Bago nito ay nagkaroon ng palaro at sayawan; panonood ng mga videos ukol sa kung ano ang BEC o pinamagatang “What Is BEC?”, ukol sa naging tagumpay ng mga miyembro ng BEC para kapulutan ng aral ng Kabataan na pinamagatang “Kwentong BEC 2019” at “Kwentong BEC”–na siyang nanalo sa patimpalak na Mga Mumunting Kwentong BEC noong Taon ng Parokya 2017–at ukol sa iba’t-ibang Commissions o Ministries ng Diyosesis ng Novaliches.

Nagkaroon din ng maikling mensahe ang BEC Caloocan District Priest Coordinator na si Reb. Pad. Aldrin Lopez sa pagbubukas ng pagtitipon.

Matapos ng Misa nagkaroon ng ShaJam! o Sharing and Jamming na kinatampukan ng apat na Kabataan kasama na ang Direktor ng Commission on Youth na si Reb. Pad. John Harvey Bagos na nagbahagi ng kanilang paglalakbay Pananampalataya. Isang Praise and Worship ang nagsilbing pagtatapos ng nasabing pagtitipon.

Ang BEC Big Day Caloocan District ang ikalawa sa serye ng Big Days na ginanap sa Diyosesis ng Novaliches. Pinangunahan ito ng BEC Big Day Commonwealth District noong Setyembre 14, 2019 at nagtapos sa BEC Big Day Quirino-Tandang Sora District noong Setyembre 28, 2019. (~Minnie Agdeppa)

Posted In

Leave a Reply

Please log in using one of these methods to post your comment:

WordPress.com Logo

You are commenting using your WordPress.com account. Log Out /  Change )

Google photo

You are commenting using your Google account. Log Out /  Change )

Twitter picture

You are commenting using your Twitter account. Log Out /  Change )

Facebook photo

You are commenting using your Facebook account. Log Out /  Change )

Connecting to %s