Kabataan Sinalamin Ang Isyung Panlipunan Sa BEC Big Day

YouthPlays
Isang eksena mula sa dula ng mga Kabataang taga Bikaryato ng Holy Spirit noong BEC Big Day Commonwealth District na ginanap sa New Capitol Estates Covered Court nakarang Setyembre 14, 2019. (Larawan ni Minnie Agdeppa)

Sinalamin ng Kabataan ng Commonwealth District ang kanilang mga saloobin ukol sa mga pambansang isyu sa mga dulang itinanghal sa BEC Big Day Commonwealth District noong Setyembre 14, 2019 sa New Capitol Estate Covered Court na matatagpuan sa likuran ng St Peter Parish Shrine of Leaders sa Commonwealth Avenue, Quezon City.

“Narito tayo ngayon upang marinig ang iba’t-ibang kwento ng ating mga kasamahan tungkol sa kanilang mga karanasan bilang teenage mother,” pambungad na wika ng isang aktres mula sa Kabataan ng St. Peter Vicariate sa kanilang dula na tinanghal sa hapon ng nasabing pagtitipon.

Naunang nagtanghal ang mga Kabataan mula sa Bikaryato ng Holy Spirit tinalakay ang mainit na isyu ng kanilang lugar: ang demolisyon at relokasyon ng mga informal settlers na siya namang napapanahon sa usapin ng C5 NLEX Project ng Pamahalaan na kasalukuyang hinaharap ng BEC Novaliches.

Umikot ang dula ng mga taga Kabataan ng Bikaryato ng Holy Spirit sa kwento ng dalawang magkaibigan na naninirahan sa lupaing pagmamay-ari ng Pamahalaan at ang kinahantungang karahasan at kapahamakan ng isa dahil sa pagtutol sa demolisyong kinahaharap ng kanilang mga tirahan.

Ang Kabataan mula sa Bikaryato ng Good Shepherd ang sumunod na nagpakitang gilas kung saan nakatuon ang kanilang awit at sayaw sa kapabayaan ng pag-aruga sa mga bata at paglaganap ng mga Kabataang hindi nakakatapos sa pagaaral.

Samantala, ipinakita naman ng Kabataan mula sa Bikaryato ng Ina ng Lupang Pangako sa kanilang pagtatanghal ang mga sanhi ng pagkalulong sa droga ng mga Kabataan at ang mga epekto nito sa pamilya at komunidad.

Panghuling nagtanghal ang mga Kabataan mula sa Bikaryato ng St. Peter at ang ginampanan nila ang kuwento ng maagang pagbubuntis sa Kabataan at ang mga panganib at epekto nito.

Ang mga pagtatanghal na ito ang naging pukaw ng selebrasyon ng BEC Big Day Commonwealth Distrit at aktibong nilahukan ng mga kabataan mula dito. Ang tema ng BEC Big Day na siyang inilunsad sa Taon ng Kabataan ay “Ang Kabataan sa Nagpapanibagong Simbahan.” Ang pagtitipong ito ay isang pagtutulungan ng Basic Ecclesial Communities ng Diyosesis ng Novaliches at ng Commission on Youth. (~Lulu Reclusado-Nario)

Posted In

Leave a Reply

Please log in using one of these methods to post your comment:

WordPress.com Logo

You are commenting using your WordPress.com account. Log Out /  Change )

Google photo

You are commenting using your Google account. Log Out /  Change )

Twitter picture

You are commenting using your Twitter account. Log Out /  Change )

Facebook photo

You are commenting using your Facebook account. Log Out /  Change )

Connecting to %s