
Pinaalala ng isang pari sa naganap na BEC Big Day 2019 ng Commonwealth District sa New Capitol Estates Covered Court noong Setyembre 14, 2019 na ang kadahilanan sa pagkakaroon ng nasabing kaganapan ay ang pagkakaisa ng lahat sa pagpaparangal at paghubog sa Kabataan.
“Tayo ay may malapiyestang pagdiriwang para sa BEC Big Day para bigyang parangal ang mga Kabataan at ang pangkalahatang BEC na ating mga mumunting kawan at bukluran at tayo ay nagkakaisa sa paghuhubog sa kanila,” ani ni Basic Ecclesial Communities (BEC) Commonwealth District Priest Coordinator Reb. Pad. Noel V. Elorde sa kanyang pangbukas na mensahe sa pagtitipon na dinaluhan ng mahigit isang libong katao.
Sa pagsalubong sa mga dumalo, binanggit niya na ang pagdiriwang ay punong-puno ng mga pag-uusap na siguradong kapupulutan ng aral sa mga kilalang tagapagsalita.
Ang buong araw na pagdiriwang, dagdag pa niya, ay magtatapos sa mga maningning na pagtatanghal na pinagbibidahan ng mga Kabataan. Ang mga ito ay binubuo ng pagkanta at sayaw na tumatalakay sa mga isyu ngayon at mga alalahanin mula sa pananaw ng Kabataan.
Ang BEC Commonwealth District ay binubuo ng apat na Bikaryato: ang Good Shepherd, Holy Spirit, Ina ng Lupang Pangako, at St. Peter. Hinati ang labing-dalawang Bikaryato ng Diyosesis sa tatlong Distrito: Commonwealth, Caloocan, at Quirino-Tandang Sora. Ang mga Bikaryato ng Caloocan District ay: Christ The King, Holy Cross, Our Lady of Lourdes, at Sto. Nino. Samantalang, sa Quirino-Tandang Sora naman ay: Ascension of Our Lord, Our Lady of Mercy, San Bartolome, at San Isidro Labrador.
Ang pagdiriwang ng BEC Big Day sa taong ito ay ang unang pagkakataon na isasagawa sa tatlong distrito sa ibat’t ibang petsa. Nagdiwang ng Big Day noong Setyembre 21, 2019 ang Caloocan District at sa Setyembre 28, 2019 naman magdiriwang ang Quirino-Tandang Sora District. (~Lulu Reclusado-Nario)
You must log in to post a comment.