Banal Na Misa: Isang Dakilang Alay Ng Pasasalamat Sa Diyos

 

IMG_8587
Si Msgr. Jesus Romulo Ranada, Kura Paroko ng Mary The Queen Parish habang umiikot sa pagbigay ng kanyang homiliya para sa ika-anim na Misa De Gallo noong Disyembre 21, 2018. (Larawan ni: Minnie Agdeppa)

Pagpapasalamat ang dapat na pangunahing dahilan ng pagsisimba ayon sa Kura Paroko ng Mary The Queen Parish ng Teresa Heights, QC sa kanyang homiliya para sa ginanap na ika-anim na araw ng Misa De Gallo nitong Disyembre 21, 2018.

“Magandang pakiramdam sa atin na naririto at naririto pa rin at tayo ay nagaalay ng dakilang pasasalamat sa Diyos,” ani ni Msgr. Jesus Romulo Ranada sa kanyang pagbati sa mga umabot sa ika-anim na araw ng Nobenaryo para sa Pasko sa madaling araw.

Ayon sa kanya, ang pagsisimba ay paraan ng pasasalamat sa ating mga Kristiyano at ito din dapat ang pangunahing dahilan sa pagsi-Simbang Gabi.

“At tayo namang Kristiyano, tayo namang Katoliko, ang way natin ng pasasalamat ay sa pagdiriwang ng Banal na Misa. Ang Misa ay pasasalamat natin sa Diyos. Ito na ang pinakadakila nating paraan ng pagsamba na may pasasalamat sa Diyos,” ani niya.

Tinalakay niya na, “Ito na yung the greatest way of our thanking God. Sapagkat sa Misa…pinasasalamatan natin ang Diyos sa Kanyang kagandahang-loob sa atin.”

“Maganda ang loob ng Diyos sa atin, maganda ang gusto Niya para sa atin,” dagdag pa niya. “Gusto ng Diyos na ikaw ay mabuhay, kaya nga nandito ka. Why are we here if not for God?…Minsan hindi natin naiisip iyon.”

Bilang paghahanda sa Pasko, ang bawat araw ng Nobenaryo ay nagkaroon ng pagninilay sa bawat letra ng “Christmas”: “C” na nangangatawan sa “Charity” o “pagbabahagi”, ang “H” para sa “Hope” o “pag-asa”, “R” para sa “Respect” o “paggalang”, “I” para sa “Integrity” o “karangalan”, at “S” para sa “Sanctity” o “kabanalan” kung kaya sa pang-anim na araw , ang letrang “T” ang pagninilayan at ay ipinukaw sa salitang “Thankfulness”.

Thankfulness. (Ang) ‘full’ (ibigsabihin) punong-puno ka ng pasasalamat…Everyday dapat may pasasalamat,” paliwanag ni Msgr. Ranada. “Nagisisimba tayo hindi dahil sa meron tayong hinihingi lamang.”

“Sabi nga ni Elizabeth sa Ebanghelyo ngayon nang siya ay dalawin ng kanyang pinsan, ‘Sino ako para dalawin ng Ina ng aking Panginoon?’ Magandang masabi din yan natin, ‘Sino ako para ang Diyos ay magmagandang-loob sa akin? Ano bang nagawa ko?'” Winika niya.

Inilahad ng pari na dahil ang “Diyos ay nagmagandang-loob” sa bawat tao sa pamamagitan ng pagbigay “Niya ng buhay at sinusustain ng Diyos ang buhay na bigay Niya” sa bawat tao sa “pamamagitan ni Hesus” ay nararapat lamang magpasalamat sa Diyos.

“Ang pinakadakilang dahilan kung bakit tayo nagpapasalamat sa Diyos ay walang iba kundi kay Hesus, sa Kanyang Anak! Kaya nga tayo may Pasko, may Christmas sapagkat sa Christmas inaalala natin yung nagmagandang-loob ang Diyos sa atin, binigyan Niya tayo ng gift para tuloy-tuloy tayong mabuhay,” pagpapalawig niya.

“Kahit na tayo ay nagkasala, binibigyan Niya tayo ng tulong para patuloy tayong mabuhay. At…ang lahat ng mga hamon sa buhay na ito…tinutulungan Niya tayo!” Patuloy niya.

Bukod dito, binanggit din ni Msgr. Ranada na nararapat ding pasalamatan ang mga taong naging mabuti o nakatulong sa isang tao na siya rin namang biyaya sa Diyos at dapat ipagpasalamat.

“Pag ikaw ay mabuting tao marunong kang tumanaw ng utang na loob at ikaw ay nagpapasalamat,” pagpukaw niya, “Ang ganda ng buhay kapag tayo ay marunong magpasalamat.”

“Magpasalamat ka sa Diyos at sasaya ang buhay mo,” pagtatapos niya.

Ang Mary The Queen Parish ay isa sa mga parokyang tampok para sa Simbang Gabi Sa Nova 2018 Coverage ng Social Communications and Media Ministry ng Diyosesis ng Novaliches. Naunang tinampok ang Ascension of Our Lord para sa unang araw ng Misa De Gallo at St. Francis Xavier Parish sa ika-limang araw. (~Minnie Agdeppa)

Leave a Reply

Please log in using one of these methods to post your comment:

WordPress.com Logo

You are commenting using your WordPress.com account. Log Out /  Change )

Google photo

You are commenting using your Google account. Log Out /  Change )

Twitter picture

You are commenting using your Twitter account. Log Out /  Change )

Facebook photo

You are commenting using your Facebook account. Log Out /  Change )

Connecting to %s