Obispo Tinuligsa Ang Kaisipang Klerikalismo

LaityWeek2018_BishopTobias2
Ang mahal na Obispo, Pinaka Reb. Antonio R. Tobias, D.D., sa nakaraang Diocesan Closing Ceremonies for the National Laity Week 2018 na ginanap sa gym ng Bestlink Colleges, Millionaires’ Village, San Agustin, Q.C. noong Oktubre 6, 2018. (Larawan ni Daniel Abiad)

 

Tinulgsa ng Pinaka Reb. Antonio R. Tobias, D.D., Obispo ng Novaliches, ang kaisipang klerikalismo sa naganap na Diocesan Closing Ceremonies for the National Laity Week sa Bestlink Colleges, San Agustin, Q.C. noong Oktubre 6, 2018.

Alinsunod sa tema ng National Laity Week 2018 na “The Laity In Solidarity With The Clergy And Consecrated Persons Towards Social Transformation”, ipinaliwanag ng Obispo kung ano ang “solidarity” at kung paano ito makakamit sa pamamagitan ng pagtanggal ng klerikalismo.

“Mga minamahal kong kapatid, tayong lahat ay itinilaga sa Panginoon…pagkabinyag,” paumpisa ng Obispo sa kaniyang homiliya sa pangwakas ng Misa para sa Ceremonies, “Kaya magkakasama at pantay-pantay tayo.”

“Parang mahirap paniwalaan na pantay ang layko sa pari. Pantay ang layko at pari sa mga relihiyoso. Yun ang tinatawag na sama-sama tayo. Yun ang tinatawag nating solidarity: magkakasama tayo,” sabi niya sa may higit-kumulang na isang libong kataong mula sa mga 71 parokya ng Diyosesis na nagtipon sa gym ng nasabing lugar.

Dagdag pa niya, “Kung magkakasama at magkakapantay-pantay ang ating solidarity, meron kailangan social transformation sa ating mga pagiisip din at sa ating mga attitude at gawa.”

“Pero sa panahon ng napakalakas ng tinatawag na klerikalismo ay napakahirap isabuhay ang pagkapantay-pantay,” ani niya, “Hindi lang ang mga pari at obispo ang may attitude na clericalism. Hindi lang yung mentalidad na ‘pari ako, hari!’ Yung bang klerikalismo.”

“Pero sinasabi ko sa inyo hindi lang mga pari at obispo ang may sakit nito, pati ang mga layko. Bigyan mo ng kapangyarihan at hindi malaon meron na din silang klerikalismo,” wika niya.

Hinango ni Obispo Tobias mula sa Ebanghelyo sa araw na iyon (Lk 10:17-24), sa sarili niyang mga, karanasan, at ang mga nangyayari sa lipunan ang iba’t-ibang halimbawa ng klerikalismo para masmaunawaan ng mga nagtitipon.

“Kaya mga kapatid huwag tayo pakasiguro na wala tayo niyan,” babala niya, “Kung hindi ka marunong magdala ng kapangyarihan, mag-ingat ka sapagkat baka ka mahulog sa abuso ng iyong kapangyarihan.”

Pinaalalahanan niya ang lahat na ang kapangyarihang ibinigay ng Hesu Kristo sa mga apostoles, gaya ng kapangyarihan na bigay sa mga pari, relihiyoso, at mga laykong may katungkulan sa Simbahan, ay kapangyarihang pahiram lamang ng Panginoon.

“Respeto, yes! Obedience, yes! Pero hindi ibigsabihin, kahit anong sabihin, ‘oo’ na agad! Subserviency yun. Pwede naman nating pagusapan yun,” nilinaw niya.

Ayon sa Obispo Tobias, ang klerikalismo ay hadlang para mapagusapan ang mga problemang nakikita ng mga Mananampalataya sa Simbahang Katolika. Imbis na pinaguuspan, ang nangyayari ay pinagtsitsismisan.

Kung kaya’t hinimok niya ang mga layko na maging matapang na magsalita kung may nakikitang kakulangan o kahinaan sa mga pari at relihiyoso para ito ay mapagusapan at matugunan. Samantala, pinagsabihan naman niya ang kaparian at kamadrehan na maging bukas sa pagtanggap sa mga layko na pagusapan ang kung ano mang kailangang baguhin sa Simbahan.

“Kailangang magiba ng mentalidad. Walang exemption. Sa obispo man, sa Santo Papa man, kailangan yan iwaksi. Kailangan maging maganda ang pagdala natin ng ating kapangyarihan…dalhin natin yan ng maayos at may paguusap,” pagbuod niya.

Nagsimula ang Diocesan Closing Ceremonies for the National Laity Week 2018 sa pamamagitan ng isang maikling prosesyon na kinatampukan ng mga Vicariate Coordinators na kumakatawan sa Council of the Laity of Novaliches (CLaN) bago nagkaroon ng isang pagtatanghal na sayaw mula sa Immaculate Conception Parish kasama ng kura nitong si Reb. Pad. Joel Saballa. Nagbigay din ng malalim na pagbabahagi si Reb. Pad. Leoncito A. Falcasantos, Jr. ukol sa tema ng pagtitipon.

Sa taong ito, ang Bikaryato ng Our Lady of Mercy sa pamumuno ng Vicar Forane nito na si Pad. Saballa ang naatasang magasikaso para sa Ceremonies. Ginawaran ng mga parangal ang mga miyembro ng CLaN, mga kaparian, at mga relihiyoso bilang pagkilala sa tagal ng kanilang paglilingkod sa Diyosesis bago matapos ang Misa. (~Minnie Agdeppa)

Leave a Reply

Please log in using one of these methods to post your comment:

WordPress.com Logo

You are commenting using your WordPress.com account. Log Out /  Change )

Google+ photo

You are commenting using your Google+ account. Log Out /  Change )

Twitter picture

You are commenting using your Twitter account. Log Out /  Change )

Facebook photo

You are commenting using your Facebook account. Log Out /  Change )

Connecting to %s

Powered by WordPress.com.

Up ↑

%d bloggers like this: