Tradisyon At Kahilingan: Pangunahing Dahilan Pa Rin Ng Pagsisimbang Gabi

Ang nakagawian nang tradisyon at ang paghiling ng isang bagay ang dalawa sa pangunahing dahilan pa rin na nagtutulak sa mga Katolikong Pilipino upang pumunta sa simbahan para sa Simbang Gabi. Ito ang lumabas sa serye ng panayam na isinapelikula ng Social Communications and Media Ministry ng Diyosesis ng Novaliches (SocComm Nova) na pinamagatang, “Bakit Ka Ba Nagsisimbang Gabi?”

Inilabas sa Facebook Page ng Diyosesis sa lingo ng Nobenaryo ang limang maiikling dokumentaryong pelikula na naglayong makuha ang pulso ng mga Maninimba ng Novaliches alinsunod sa pagdiriwang ng Simbang Gabi.

Apat sa anim na nakapanayam ng SocComm Nova mula sa limang parokya ng Diyosesis ang nagsabing tugon sa kanilang kahilingan ang pangunahing dahilan na nagtulak sa kanila upang magSimbang Gabi. Tatlo naman ang nagsasabing dagdag pa rito ang kadahilanang ito ay nakagawian ng gawain ng mga Pilipino bago magPasko.

Ayon kay Novaliches Catechetical Ministry Director Reb. Pad. Aristeo De Leon na mahirap alisin na magkaroon ng “wish” ang mga tao sa pagSimbang Gabi dahil ito nga ang nakagawian na sa mga Pilipino. Ito, ani niya, ay likas na sa katangian ng isang nobena.

25552392_1561731233940807_180130002546719894_n
Si Reb. Pad. Aristeo De Leon sa Misa Nobenaryo para sa Pasko sa kanyang Parokya, St. Joseph The Worker Parish-Barracks, noong Disyembre 22, 2017.
(Photo credit: Minnie Agdeppa)

“Siyempre, diba, kaya naman kadalasan ka nagnonobena ay dahil may panalangin o petisyon kang gustong matugunan,” pagpapaliwanag ni Pad. De Leon sa isang maikling panayam na ginanap noong nakaraang ika-52 Anibersaryo ng Pagkapari ng Pinaka Reb. Antonio R. Tobias, D.D., Obispo ng Novaliches sa Tahanang Pari Retirement and Renewal Center ng Lagro, Q.C. noong Disyembre 21, 2017.

“Kaya nagkakaroon ng ‘wish’ matapos mabuo ng isang tao ang Simbang Gabi,” pagtatapos niya.

Bukod sa mga nasabing kadahilanan, pumangatlo ang pagpapalalim ng Pananampalatayang Katoliko na tinugon ng dalawa sa mga nakapanayam. Samantala, isa lamang ang tumugon ng pasasalamat bilang pangunahing rason sa pagbuo ng Simbang Gabi.

Panata at Pananampalataya

“Taon-taon ko na po ito ginagawa…panata ko na po ito. Para sa akin, second life ko na po kasi,” ani ni Jesus Binamera, isang parokyano mula sa St. Maximilian Mary Kolbe Parish ng Greenfields 1 Subdivision sa Q.C. sa kanyang panayam noong Disyembre 17, 2017. Ibinahagi niya sa kanyang panayam na isinapelikula na pinamagatang, “Panata”, ang malalim na dahilan ng kanyang pagsisimba.

Ayon kay Binamera, na isang may kapansanan sa paglalakad dala ng dwarfism, nagsimula siyang magSimbang Gabi matapos na nagmuntikanan siyang mamatay sa tuberculosis noong 2009. Kung kaya’t siya ay nagpapasalamat sa kanyang pangalawang buhay at sa biyayang natanggap niya matapos noon: ang pagkakaroon ng asawa at dalawang anak, kada taon na siya ay magsiSimbang Gabi.

25507640_1561729897274274_4253787060128837675_n
(Photo credit: Minnie Agdeppa)

“Nais kong maging buo ang aking Pananampalataya sa Diyos,” sagot naman ni Angelica Viernes, ang head ng Customer Service sa FEU Hospital, na dahilan sa kanyang pagpunta sa katabi nitong Cathedral Shrine and Parish of the Good Shepherd para sa Simbang Gabi kada tapos ng trabaho.

Dagdag niya ang tradisyong Pilipino sa pagSimbang Gabi at ang kasamang paghiling kapag nabuo ito sa kanyang mga kadahilanan. Malakas din ang kanyang pananampalataya na nadidinig ng Diyos ang mga panalangin ng mga nagsiSimbang Gabi kahit pa hindi nila mabuo ang nobenaryo batay sa kanyang sariling karanasan.

Gaya ni Viernes, pag-alaga din sa kanyang pananampalataya ang nagudyok kay Jonna Casuba ng Kristong Hari Parish sa Commonwealth Ave., Q.C. sa pagdalo ng Simbang Gabi.

“Bilang anak ng Diyos gusto kong maging parte ng bawat misa niya, gusto ko malaman–kahit paulit-ulit na lang–ang buhay niya bago siya ipinanganak,” pagpatotoo niya.

Pinamagatang “Kaparte” ang maikling pelikula ni Casuba na matatagpuan din kasama pa ng ibang maikling pelikula sa serye ng “Bakit Ka Ba Nagsisimbang Gabi?” sa YouTube Channel ng Diyosesis. Bukod sa mga nabanggit na parokya, ang ibang naging bahagi ng panayam para sa maikling dokumentaryo ay mga taga-St. Joseph The Worker Parish ng Barracks sa Camarin, C.C. at ang Christ The King Parish ng Filinvest 2 sa Batasan Hills, Q.C. Bukod sa dokumentaryo, naglabas din ang SocComm Nova ng serye ng Katekesis ukol sa Simbang Gabi sa loob ng panahon ng nobenaryo. (~Minnie Agdeppa)

Leave a Reply

Please log in using one of these methods to post your comment:

WordPress.com Logo

You are commenting using your WordPress.com account. Log Out /  Change )

Google+ photo

You are commenting using your Google+ account. Log Out /  Change )

Twitter picture

You are commenting using your Twitter account. Log Out /  Change )

Facebook photo

You are commenting using your Facebook account. Log Out /  Change )

Connecting to %s

Powered by WordPress.com.

Up ↑

%d bloggers like this: