
(Larawan ni Jun Lene Magtagnob)
Naganap sa malapit-na-magbukas na Bahay Pari ng Diyosesis ng Novaliches sa Lagro, QC nitong Agosto 10, 2017 ang Pagdiriwang ng Araw Ng Mga Pari, bilang paggunita sa nakaraang Piyesta ni San Juan Maria Vianney, Patron ng Mga Pari.
Isinabay sa nasabing pagdiriwang ang Buwanang Pagpupulong ng mga Pari sa Diyosesis. Kaya nagkaroon muna ng pagtalakay sa mga kaganapan at mahahalagang usapin sa Diyosesis ang mga kaparian sa pamumuno ng Obispo na si Pinaka Reb. Antonio R. Tobias, D.D.
Isa sa mga tinalakay ang patuloy na programa ng Pastoral Office ng Diyosesis para sa kampanya laban sa droga na tinatawag na AKAP o Abot Kamay Alangalang sa Pagbabago at ang nalalapit na pagbubukas ng Bahay Pari o Clergy Renewal and Retirement Center ng Diyosesis.
Binigyan diin ni Reb. Pad. Marlou Lemaire, Oeconomus ng Novaliches, ang binanggit ng Obispo na ang Bahay Pari ay bukas sa pagtanggap sa mga paring retirado na mula sa ibang Diyosesis at ang pagkakaroon ng usapin sa susunod nilang pagpupulong kung paano ipagdiriwang ang pagbubukas nito.

(Larawan ni: Jun Lene Magtagnob)
Nagkaroon din ng isang maikling pantas-aral na pinamagatang, “Natural Healing Journey,” na pinamunuan ni Dra. Susana Balingit. Itinuro niya sa mga pari ang mga tamang pagkain at pag-alaga sa sarili upang maiwasan ang sakit gaya ng alta presyon, sakit sa bato, at sakit sa puso.
Ayon kay Dra. Balingit, ingatan ang pagkain ng “polished rice”–o mga kaning puti dahil naproseso na ito–sapagkat ang isang tasa ng kanin nito ay katumbas ng isang tasa ng asukal.
Kaya naman nirekomenda niya sa mga kaparian ang pagkain ng “unpolished rice” para sa ikahahaba ng kanilang buhay at ikabubuti ng kanilang mga parokya.
Kamakailan ay nilathala ng American Heart Stroke Association, ang isa sa kada tatlong dahilan ng kamatayan sa Estados Unidos ay dahil sa mga sakit sa puso. Samantala dito sa Pilipinas, sinasabi ng Department of Health na kalahati sa taunang bilang ng namamatay ay mga sakit sa puso ang sanhi. (~Minnie Agdeppa)

(Larawan ni: Lene Jun Magtagnob)
You must log in to post a comment.