Mga Relihiyoso Nagtutulungan Para Sa Pamilya Ng Mga Na-EJK

17499392_1276957382418195_5808468251291168182_n

Sina Reb. Pad. Gilbert Billena, OCarm (kanan) at Reb. Pad. John Era, CM noong nakaraang episode ng Hello Father 911 Diocese of Novaliches

Lumabas sa panayam ng Radio Veritas Hello Father 911 noong nakaraang Lunes, Marso 20, 2017, na nagtutulungan ang ilang Relihiyoso ng Diyosesis ng Novaliches para tugunan ang pangangailangan ng mga pamilyang naiwan ng mga biktima ng Extra Judicial Killings (EJK).

Ang mga pari ng mga Vincentians at ang mga Carmelites ay may ilang buwan nang nagsanib ng puwersa kasama ang mga Augustinian Recollects (OAR) at iba pang relihiyoso ng Diyosesis ng Novaliches at pati na rin ilang Relihiyoso mula sa ibang Diyosesis gaya ng mga Redemptorists ng Baclaran at ibang sekta ng Kristiyanismo.

Ani ni Reb. Pad. John Era, CM na isa sa naging panauhin sa segment ng Diyosesis ng Novaliches sa Radio Veritas Hello Father 911 para sa espesyal na episode nitong pinamagatang “Helping Families of EJK Victims” na nakilala lang niya si Reb. Pad. Gilbert Billena, OCarm sa Facebook nang ito naghahanap ng mga taong tumutugon sa EJK. Mula dito ay naging halos linguhan na ang kanilang pagkikita para sa mga pamilyang naiwan ng mga ito.

Si Reb. Pad. Era ay kababalik lang ng Pilipinas mula sa kanyang pag-aaral ng Psychology sa Diyosesis ng Chicago sa Amerika noong Nobyembre 2016 para maging Formation Director sa St. Vincent School of Theology sa Tandang Sora, Q.C.

Dahil isa sa mga apostolate area ng mga Vincentians ang Ina Ng Lupang Pangako Parish sa Payatas, Q.C., nakilala niya ang mga naulila na nakita mismo ang pagpatay ng kanilang magulang na napagbintangan lamang ng paggamit o pagtulak ng pinagbabawal na gamot.

Samantala, si Reb. Pad. Billena na panauhin din sa Hello Father sa espesyal na episode nito, bilang Kura Paroko ng San Isidro Labrador Parish sa Bagong Silangan, Q.C. ay marami nang karanasan na ang kanyang parokyano ay na-tokhang at namatay.

Ani ng dalawang pari na karamihan sa mga namatay ay ang padre de pamilya na siyang naghahanap buhay para sa pamilya. Kaya namang nahirapang ng husto ang mga naiwan nito dahil karamihan ay mahihirap lamang. Dahil dito, sila ay dumulog sa Simbahan para sa tulong na kanilang kailangan gaya ng pangaraw-araw na panggastos at pagkain bukod sa pampalibing sa mga namatay.

Mahigit dito ay ang kanilang pangangailangang mapakinggan sa kanilang mapait na karanasan sa biglaang pagkawala ng kanilang minamahal sa buhay.

“Una, napakahirap talaga sa akin lalo na ako bilang kura paroko,” sambit ni Billena, “Nasa amin talaga ang pressure din kasi ang government (barangay) takot din kahit sa pagpapadala ng bulaklak kasi baka isipin sila ay protektor.”

“Napakahirap sa amin, paano mo iadminister–yung listening…yung art of listening talaga napakahirap. Ministry of accompaniment and listening to their story…napakahirap iproseso,” dagdag niya.

Dagdag pa ng mga pari na ang pananaig na takot sa mga tao, lalo na sa mga kapitbahay ng namatay na baka sila ay madamay kung kaya kadalasan walang tumutulong sa mga pamilya sa pagpapalibing ng namatay. Nagkakaroon din ng stigma ang mga naiwan na sila ay mga “addict” kahit hindi naman totoo at napagbintangan lamang ang namatay.

“Ang role namin ngayon bukod sa binibigyan namin sila ng financial support ay ang maging normal ang buhay nila,” ani ni Era, “(yung) maramdaman nilang mahal sila, maramdaman nilang may nakikinig sa kanila, may nakikiramay sa kanila–malaking bagay iyon eh.”

At pagdidiin pa niya, “After some time, narinig nga namin sa kanila na iyon ang pinakamahalagang nangyari sa buhay nila na meron silang taong nalaman nila na nakikiramay at iyon tayo–ang Simbahan. And that is powerful.”

Ayon kay Billena, 29 ang naitalang biktima ng EJK sa Barangay Bagong Silangan at 14 nito ay sakop ng San Isidro Labrador Parish. Mula sa 14 na biktimang ito, 12 pamilya ang kasulukuyang tinutulungan ng kanilang parokya. Kasama sa pagtulong dito si Era para sa paghilom at pagproseso ng mga trauma ng mga naulila.

Sa Ina ng Lupang Pangako Parish naman ay may 26 na biktima ng EJK at halos kada dalawang lingo silang binibisita ng mga Vincentians para magkwentuhan sa istraktura ng sharing o support group, pagmisahan, magsalu-salo sa pagkain, at tugunan ang iba pang mga kailangan gaya ng paglikom ng pambayad sa patuloy na pag-aaral ng mga ito sa eskwelahan gayong ang pinakamatanda sa mga ito ay hindi lalampas ng 14 na taong anyos at ang pinakabata ay sanggol pa lamang.

Ani ni Era bilang bahagi ng kanilang programa, kamakailan ay nailabas nila sa isang swimming ekskarsyon ang mga bata na sa tanang buhay nila ay doon lamang nakalabas sa Payatas. Ang pagbago ng kapaligiran ng isang taong natrauma ay mahalaga, aniya, para sa paghilom nito.

Nanawagan din ang mga pari na sana marami pa ang sumama sa kanila sa gawaing ito at na sana ay matigil na ang EJK.

Kaakibat sa gawaing ito, pinangunahan ng mga Vincentians ang pag-organisa ng isang Misa para sa mga biktima ng EJK sa Abril 2, 2017 na gaganapin sa Sto. Nino Parish, Bagong Silang, C.C. sa ika-10N.U. Ang dating Obispo ng Kalookan na si Pinaka Reb. Deogratias Iniquez, D.D. at ang Obispo ng Diyosesis ng Novaliches na si Pinaka Reb. Antonio Tobias, D.D. ang siyang mangunguna sa pagdiriwang ng nasabing Misa.  (~Minnie Agdeppa)

Leave a Reply

Please log in using one of these methods to post your comment:

WordPress.com Logo

You are commenting using your WordPress.com account. Log Out / Change )

Twitter picture

You are commenting using your Twitter account. Log Out / Change )

Facebook photo

You are commenting using your Facebook account. Log Out / Change )

Google+ photo

You are commenting using your Google+ account. Log Out / Change )

Connecting to %s