Hinaing Ng Isang Ina Sa Pagpanaw Ng Anak: Hindi Mo Ba Ako Mahal?

Si Gng. Florinda Buenviaje noong Funeral Mass ni Reb. Pad. Joel Buenviaje sa Shrine of Our Lady Mercy, Sta. Monica, Q.C. noong nakaraang Sabado, Disyembre 17, 2016 (Larawan ni: Julius Panday)

Isang tanong ng pagtangis at pangungulila ang nasambit ni Florinda Buenviaje matapos makitang patay na ang anak nitong si Reb. Pad. Jose Eliseo Buenviaje sa ospital. Ang karanasang ito ay kanyang isinalaysay sa nakalipas na Misa ng yumaong pari na ginanap sa Shrine of Our Lady of Mercy Parish sa Bgy. Sta. Monica, Q.C. noong Disyembre 17, 2016.

“Ang tanong ko po sa kanya nang siya ay datnan ko ng DOA, sabi ko po sa kanya, ‘Bakit anak?’ Ako’y may edad na at nangarap na ang isang ina ay ililibing ng anak,” ani ni Florindang may pangangatal ang boses, “Nasabi ko po sa kanya, ‘Bakit ganon?! Ako ay matanda na–malapit na–pero ikaw ay bata pa. Bakit mo iiwanan ang iyong nanay? Hindi mo ba ako mahal?!’ ”

Maaalalang biglaang pumanaw dahil sa matinding atake sa puso noong nakaraang Martes, Disyembre 13, 2016, si Reb. Pad. Buenviaje na lilimang taong pari pa lamang ng Diyosesis ng Novaliches at may napakabatang edad na 42 anyos.

Ayon sa salaysay ng kanyang drayber, nakapagMisa pa sa umaga ang pari bago ito tumungo sa bangko pagkadating ng hapon para magwidro ng pera. Pagkagaling sa bangko, sumakay ito sa kotse, nagbugtong-hininga ng malalim, at bigla na lang nawalan ng malay.

Si Reb. Pad. Reynaldo Percival Flores habang binabasa ang Life Testimony ng yumaong si Reb. Pad. Joel Buenviaje (Larawan ni: Julius Panday)

Nataon ang nasabing bangko, East-West Bank, ay isang kanto lamang ang layo sa  Far Eastern University (FEU) Medical Center na siya namang katabi ang Chancery Office ng Diyosesis ng Novaliches. Kung kaya, naitakbo agad ng drayber si Reb. Pad. Buenviaje sa ospital at nasabihan agad ang Obispo sa mga naging kaganapan. Bagamat dineklara nang patay ng ospital ang pari pagdating nito, sinubukan pa rin naman nilang buhayin ang pari ngunit hindi na nagtagumpay pa. Ang Chancery Office na ang namalita sa lahat, pati na sa ina ng pumanaw na pari, ang malungkot na balita.

“Marami akong katanungan na hindi ko nakuha (ang kasagutan) noong oras na iyon,” patuloy ni Gng. Buenviaje sa kanyang pagsasalaysay, “Pero nung ako po ay dumating sa Nuestra Senora Dela Paz Y Buen Viaje Parish, para po akong binuhusan ng tubig at sinagot lahat ang aking mga katanungan. Nakita ko po ang napakaraming tao na naghihintay sa aking anak mula sa ganap na alas onse ng gabi. Hindi po sila umaalis dahil sa paghahantay sa aking anak.”

Nagpasalamat si Gng. Buenviaje sa lahat ng tumulong sa kanya at sa kanilang pamilya sa pagaasikaso sa burol at libing ng anak–pati na sa mga taong naging bahagi ng buhay ng kanyang anak sa paglalakbay nito upang maging pari at habang siya ay naging pari na. Kasama sa mga pinasalamatan ay ang Obispo; mga pari; mga formators; mga kapitbhay nila sa Biglang Awa, sa Immaculate Concepcion Parish (ICP), at sa Ina Ng Buhay Parish; at ang daan-daang taong nakiramay sa kanila.

Pinasalamatan din ang mga parokyano ng Shrine of Our Lady of Mercy kung saan bininyagan ang dating pari at ng Parroquia Nuestra Senora Dela Paz Y Buen Viaje na siyang naging unang “assignment” bilang Kura ni Reb. Pad. Buenviaje matapos nitong maordinahan bilang pari noong Setyembre 23, 2011.

Paulit-ulit niyang pinasalamatan ang mga nabanggit dahil para sa kanya naging daan ang mga panalangin ng mga taong nagmamahal sa kanyang anak upang mabuhay pa ito matapos itong ma-angioplasty noong 2014.

Ang Pagbabasbas ng Pinaka Reb. Pad. Antonio R. Tobias, DD sa labi ng yumaong si Reb. Pad. Joel Buenviaje sa pagtatapos ng Misa para sa patay nitong nakalipas na Sabado, Disyembre 17, 2016. (Larawan ni: Julius Panday)

“Noong po siya ay ma-angioplasty, sabi ko po sa aking anak ay ganito, ‘Hinay-hinay, dahan-dahan ang pagtratrabaho.’ Alam niyo po ang sagot niya sa akin? ‘Nanay, mainam na ang nagtratrabaho kung ako ay aabutan ng kamatayan kesa sa ako ay isang pari na hindi nagtratrabaho, ikahihiya mo ako,'” dagdag ni Gng. Buenviaje.

Kilala si Reb. Pad. Buenviaje bilang isa sa mga pinakamasigasig at pinakamasipag na pari ng Diyosesis. Sa katunayan, seminarista pa lamang ito ay maasahan na ito sa mga gawain kung kaya’t, ayon sa Obispong ang Pinaka Reb. Pad. Antonio R. Tobias nung homiliya niya sa nasabing Misa para sa yumaong pari, tumagal ang kanyang paghuhubog sa pagkapari sa ilalim ng St. Joseph Formation House ng Bgy. Pinyahan, Q.C. dahil pawang ayaw na siyang bitawan ng kanyang mga formators na umaasa sa kanya sa pagpapalakad sa nasabing seminaryo.

Naging Direktor ng Ministry ng Mga Bokasyon ng Diyosesis si Reb. Pad. Buenviaje matapos na ito ay maordinahan hanggang sa Hunyo 2014 dahil siya ay kinailangan nang magpahinga dala ng kanyang angioplasty. Bagaman walang naging pormal na pagtatalaga, nagbalik na lamang siya sa gawain sa Diyosesis nitong Agosto 2016 sa pamamagitan ng kanyang pagtulong sa Caritas Novaliches sa Disaster Risk and Recovery Management (DRR/M) Ministry.

Bago pa man, naging bahagi na ng Caritas Novaliches si Reb. Pad. Buenviaje noong 2010 dahil sa kanyang pakikilahok sa Public Affairs Ministry (PAM) sa pagsulong ng dating-Circles of Discernment for Elections (CIDE) at ng Vote God Campaign habang seminarista pa siya.

Makikita ang pangungulila sa ina ng yumaong si Reb. Pad. Joel Buenviaje noong Libing nito sa Holy Cross Memorial Park noong Disyembre 17, 2016. (Larawan ni: Julius Panday)

“Hindi po ba, napakalaking biyaya ang nangyaring ito sa aking anak?” Winika ni Gng. Buenviaje matapos niyang magpasalamat. “Kaya po, lahat po ng iyan ay hindi magagawa ng aking anak kung wala pong nanalangin mga parishioners, mga kaibigan, mga kapitbahay, at mga kamag-anak–mga kaparian. Binigyan pa po siya ng extension ng dalawang taon para ipagpatuloy niya ang kanyang gawain.”

“Kung wala po ang grasya ng Diyos, wala po ang pagmamahal niyo sa aking anak. Ito po ay grasya, napakalaking grasya ng Diyos para sa ating lahat,” pagtatapos niya bago bumalik sa upuan nito.

Bago pinagsalita si Gng. Buenviaje, binasa muna ng Chancellor ng Novaliches na si Reb. Pad. Reynaldo Percival Flores ang Life Testimony ni Reb. Pad. Joel Buenviaje. Pagkatapos naman magsalita ng ginang, binasbasan ng obispo ang ataol ni Reb. Pad. Buenviaje bago ito binuhat ng mga Knights of Columbus at ng mga kapatid niyang pari palabas ng Shrine upang ihatid sa Holy Cross Memorial Park sa Bgy. San Bartolome, Q.C. Isang napakahabang pila ng sasakyan ang tumahak mula sa Shrine hanggang sa sementeryo dala ng napakadaming nakiramay na sakay ng arkiladong mga fx taxi.

Bukod sa pagiging abala sa kanyang parokya, madalas din magmisa sa St. Pio Healing Center sa Bgy. Libis, Q.C. si Reb. Pad. Buenviaje. Dagdag pa rito, ayon sa Obispo sa kanyang Homiliya para sa ika-6 na Araw ng Simbang Gabi, ay ang napakaraming proyekto kagaya ng 272 Iskolars ng Parroquia Nuestra Senora Dela Paz Y Buen Viae, 11 Iskolar na personal niyang sagutin, ang Project LIFE Tutorial para sa 32 Kabataan, ang linguhang Food Packs mula sa Albergus na dinaragdagan ng bigas mula sa Parroquia para sa 100 katao, ang ipinangakong Food Packs para sa Pasko para sa 200 pamilya, at ang linguhang Katekismo para sa 62 katao na kasama ang 40 maybahay at ang isang 78 anyos na may sakit na matandang lalaking nagngangalang Buddy Salvador na inabandona ng pamilya at inaalagan ni Reb. Pad. Buenviaje bago ito pumanaw. (~Minnie Agdeppa)

Makikita ang pangungulila sa ina ng yumaong si Reb. Pad. Joel Buenviaje noong Libing nito sa Holy Cross Memorial Park noong Disyembre 17, 2016. (Larawan ni: Julius Panday)

Leave a Reply

Please log in using one of these methods to post your comment:

WordPress.com Logo

You are commenting using your WordPress.com account. Log Out / Change )

Twitter picture

You are commenting using your Twitter account. Log Out / Change )

Facebook photo

You are commenting using your Facebook account. Log Out / Change )

Google+ photo

You are commenting using your Google+ account. Log Out / Change )

Connecting to %s