Categories
News

Tugon Sa Problema Ng Droga ‘Di Gaya Ng “Instant Coffee”

Si Reb. Pad. Marlou Lemaire na nagbigay ng Pambungad Na Mensahe noong Setyembre 9, 2016 sa Summit Meeting On Church’s Response To War On Drugs 

Ang pagtugon sa problema ng droga ay hindi “instant” gaya ng nabibiling “instant coffee” o “instant noodles” ayon kay Reb. Pad. Marlou Lemaire, Rektor at Parish Priest ng St. Peter Parish Shrine of Leaders. Ito ay ang kanyang naging pambungad na pananalita noong naganap ang Summit Meeting On Church’s Response To The War On Drugs sa kanyang parokya noong Setyembre 9, 2016.

Inahalintulad ni Reb. Pad. Lemaire sa pagkakanaw na tradisyunal na kape ang tamang pagtugon sa problema ng droga, “Ang brewed coffee pinakuluan po iyan. Pagkatapos pakuluan, ilalagay niyo sa tasa, lalagyan niyo ng asukal, lalagyan niyo ng creamer, hahaluin! Titikman! At kung matabang, dadagdagan ng asukal, dadagdagan ng creamer. Pero alam po ninyo ang tugon natin sa problema ng droga ay hindi po dapat maging instant.”

“At ito po yata ang problema natin sa panahon ngayon. Nasanay na tayo sa instant noodles. Nasanay na tayo sa ‘instant coffee’. Kaya lahat ng solusyon akala natin instant. Kaya tuloy even death becomes instant,” ani ng Rektor ng nasabing Dambana na dineklarang isa sa Jubilee Shrines ng Diyosesis ng Novaliches.

Ang Summit Meeting On Church’s Response To War On Drugs ay napapanahong tugon ng Simbahan at iba’t-ibang Sektor Ng Lipunan sa problema sa iligal na droga sa bansa

Pinaliwanag ni Reb. Pad. Lemaire na ang Simbahang Katolika ay “hindi instant” sapagkat ito ay patuloy sa paglago at pagdiskubre ng “mensahe ni Hesus.” Pinagdiinan niya na ang mga kaganapan sa ating bansa–ang tumataas na bilang ng mga nangamatay dahil sa mga nagaganap na operasyon ng Pamahalaan sa pagsupil sa droga at sa mga gumagamit at nagbebenta nito–ay naaangkop na panahon upang maipamalas ng mga Katoliko ang katuruan ni Hesus sa pagpapatawad at pagmamahal.

“At ano po ba ang tunay na pagiging Kristiyano? Alam po ninyo, mahirap magmahal, mahirap magmalasakit, mahirap magpahalaga, Kung gusto nating magmahal, kung gusto nating maging maawain, kung gusto nating magpahalaga’t magmalasakit, kinakailangan nating magsakripisyo,” pagpapalawig niya, “Kinakailangan natin ng pagkakaisa. Kinakailangan natin ng pagsasama. Kinakailangan nating pagsama-samahin yung ating mga kakayahan, yung ating mga kayamanan, yung ating panahon.”

Ayon kay Reb. Pad. Lemaire, ang naganap na Summit On Church’s Response To War On Drugs para sa Quezon City Area ng Diyosesis ng Novaliches, na pinasimulan mismo ng Pastoral Office ng Diyosesis ng Novaliches, ay napapanahong tugon dito.

“Kaya nga po, napakaganda nitong ating Summit sapagkat ngayon po hahamunin tayo ng kasalukuyang pangyayari sa ating bansa na ipamalas ang ating tunay na pagiging Kristiyano…sa pagtugon sa problema ng droga. Nang sa ganoon, pagkatapos nating timplahin, madidiskubre nating pwede pala tayo magtimpla at hindi kinakailangan ng ‘instant’,” pagtatapos niya.

Si Reb. Pad. Jaime Lara na nagbibigay ng Buod (Synthesis) ng mga Mensahe ng mga dumalo sa Summit Meeting On Church’s Response To War On Drugs noong Setyembre 9, 2016

Ang nasabing ito ni Reb. Pad. Lemaire ay sinigundahan naman ng mga dumalo sa nasabing Summit. Sa pagbibigay ng buod ng mga napagusapan at naibahagi ng mga nagsalita, ibinigkis ni Human Development Ministries Director ng Diyosesis ng Novaliches na si Reb. Pad. Jaime Lara na ang solusyon sa problema sa iligal na droga ay napapaloob sa tatlong antas ng pagbabago: pagbabago ng pananaw, pagbabago ng ugali, at pagbabago ng pamamaraan.

Ani niya sa wikang Ingles, “Tayo ay nakikipag-gera sa droga at hindi sa mga gumagamit nito sapagkat tayo ay nasa gawain ng pagsasagip ng buhay…Kinakailangan nating maging masbukas, masmapagtanggap, masmapang-alalay…iwasan ang pagiging mapusok at pagiging palasagot…sapagkat hindi lamang kagalingan ng katawan at isip ang kinakailangan (ng mga nalulong sa iligal na droga) bagkos pati kagalingang ispiritwal.”

Matatandaang inilunsad ng Diyosesis ng Novaliches noong Setyembre 1 ang kanyang Community Based Drug Rehabilitation Program (CBDRP) na nagngangalang “AKAP” o “Abot Kamay Alang-alang sa Pagbabago” at dahil dito idinaos ng magkahiwalay ang isang Summit para sa dalawa nitong nasasakop na mga lungsod–Quezon City at Caloocan City–para pagsamahin ang iba’t-ibang sektor ng lipunan at hingiin ang kani-kanilang suporta para sa nasabing CBDRP.

Ang Mahal na Obispo ng Diyosesis Ng Novaliches Pinaka Reb. Pad. Antonio R. Tobias, D.D. na nagbibigay ng kanyang Mensahe ukol sa Summit Meeting On Church’s Response To War On Drugs noong Setyembre 9, 2016

Ang mga dumalo sa nasabing QC Area Summit mula sa iba’t-ibang sangay ng Pamahalaan na nagpamalas ng kanilang suporta ay sina QC Vice Mayor Joy Belmonte na nagbahagi ng programa ng Lungsod ng Quezon ukol sa droga; QC Police District PSUPT Guillermo Eleazar na nagbigay ng kalagayan ng bawal ng gamot sa QC at ang ginagawang aksyon ng kapulisan dito; si QC District 3 Chief of Staff (COS) Ruben Pascual na naglatag ng maaring gawin ng opisina ni Cong. Bolet Banal para sa programa; si DILG ASEC Roosque Calacat na nagbigay diin sa programa ng Pamahalaang Duterte para sa pagbabago; si Anti-Poverty Advocacy Head Bb. Georgina Hernandez-Yang na nagpahiwatig ng paghanga ng Opisina ng Bise Presidente ng Pilipinas sa gawain ng Diyosesis.

Nagpamalas din ng pakikiisa ang pinuno ng Association of Consecrated Life In Novaliches Diocese (ACLIND) na si Sr. Zeny Cabrera, SHE; ang head ng Council of the Laity of Novaliches (CLaN) na si Bb. Emma Estacio; ang Diyosesis ng Cubao sa pamamagitan ng opisyal na padala ng Pinaka Reb. Pad. Honesto Ongtioco, D.D. na si Reb. Pad. Ramon Eloriaga; ang Brotherhood of Christian Businessmen and Professionals (BCBP) na si G. Roy Calleja; at ang padala ng mga kapatid na Methodist sa pamamagitan ni Pastor Roger Gutierrez.

Nagsalita naman para sa Diyosesis ng Novaliches ang Social Action Commission (SAC) Director nito na si Reb. Pad. Joseph Buslon; si sa Vicar General for Pastoral Affairs na si Reb. Pad. Antonio E. Labiao, Jr.; at ang kanyang obispo na si Pinaka Reb. Antonio R. Tobias, D.D. na nagpaalala ng hangaring paghilom at pagproteksyon sa mga nalulong sa illigal na droga bilang mga kapatid sa Pananampalataya.

Ang Summit Meeting On Church’s Response To War On Drugs ay dinaluhan ng halos 400 katao mula sa mga barangay ng QC Districts 2, 3, 5, at 6; kapulisan; iba’t-ibang diyosesis gaya ng Kalookan, Pasig, San Pablo, at San Fernando (Pampanga); mga Relihiyoso, Parokya, Ministries, at Commissions ng Diyosesis ng Novaliches. Ang maghapong pagpupulong ay naipamalita ng iba’t-ibang miyembro ng Media gaya ng mga pambansang pahayagan na Manila Bulletin, Daily Tribune, Philippine Star; at pambansang radyo gaya ng DZRH, DZXL, at Radyo Veritas na dumalo din sa nasabing Summit. (~Minnie De Luna)

Dinaluhan ng halos 400 katao ang nasabing Summit Meeting On Church Response To War On Drugs noong Setyembre 9, 2016

One reply on “Tugon Sa Problema Ng Droga ‘Di Gaya Ng “Instant Coffee””